Limang babae. May kape. Nakaupo sa mesa. Mukhang Bible study. Mukhang prayer meeting. Pero tingnan mo sa likod nila.
Ahas. Cobra. Naka-angat ang ulo. Dilang nakalawit. Handa tumuklaw.
Yan ang itsura ng tsismis sa loob ng iglesia. Mukhang banal sa labas. Pero lason sa loob.
1. Kapag ang “Concern” Naging Curiosity
Sabi sa larawan: “Mag-ingat kapag ang ‘concern’ naging curiosity.”
“Nabalitaan mo na ba si Ate?”
“Pray natin si Kuya, kasi…”
“Concern lang ako, pero…”
Pamilyar? Kawikaan 18:8: “Ang mga salita ng tsismoso ay gaya ng masasarap na pagkain; at sila’y nagsisibaba sa pinakaloob na bahagi ng tiyan.”
Tsismis. Masarap pakinggan. Kaya nga “feast” ang tawag. Nagpiyesta. May kape pa. Habang iniinom ang kape, iniinom din ang reputasyon ng iba.
Pero 1 Pedro 4:15: “Huwag nga sa inyo ang magdusa bilang mamamatay-tao, o magnanakaw, o gumagawa ng masama, o bilang isang mapakialam sa gawain ng iba.”
Mapakialam. Sa Greek: allotriepiskopos. “Bishop of other people’s business.” Yan ang tsismoso. Bishop ka na sa buhay ng iba, pero deacon ka lang sa sarili mong kasalanan.
Galacia 6:1: “Mga kapatid, kung ang isang tao ay mahulog sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat na ibalik siya sa kaamuan.” Ibalik. Hindi ibunyag. Ibalik. Sa harap ng Diyos, hindi sa harap ng grupo chat.
2. Kapag ang “Sharing” Naging Exposing
“Mag-ingat kapag ang ‘sharing’ naging exposing.”
May pinagkaiba ang paghingi ng prayer request at pag-expose ng kasalanan.
Kawikaan 11:13: “Siya na gumagala na may dalang tsismis ay naghahayag ng mga lihim, ngunit siya na tapat sa espiritu ay nagtatago ng bagay.”
Ang tapat, nagtatago. Ang tsismoso, naghahayag.
Santiago 4:11: “Huwag kayong magsiraan, mga kapatid. Ang nagsasalita laban sa kanyang kapatid, o humahatol sa kanyang kapatid, ay nagsasalita laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan.”
Pag in-expose mo ang kapatid mo, hindi lang siya ang binagsak mo. Nilabag mo ang kautusan. Nagpaka-Hukom ka.
Mateo 18:15-17. Yan ang proseso ni Jesus: Kaibigan lang muna. Tapos dalawa o tatlong tao. Tapos sa iglesia. Hindi sa GC. Hindi sa coffee shop. Hindi sa comment section.
Levitico 19:16: “Huwag kang maghahanap-hanap ng ikakasira ng iba sa iyong bayan, ni tatayo laban sa dugo ng iyong kapwa: ako ang Panginoon.”
Ang tsismis, paghahanap ng ikakasira. Ang ahas sa larawan, yan ang naghahanap. At kapag nakahanap, tumutuklaw.
3. Ang Dilang Sumasamba Linggo, Naninira Lunes
“Mag-ingat kapag ang dilang sumasamba sa Diyos ng Linggo, siya rin ang dilang naninira ng kapwa pagtapos ng service.”
Santiago 3:9-10: “Sa pamamagitan nito ay pinupuri natin ang Panginoon at Ama; at sa pamamagitan din nito ay sinusumpa natin ang mga tao, na ginawang kawangis ng Diyos. Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at pagsumpa. Mga kapatid ko, hindi dapat ganito.”
Hindi dapat. Pero nangyayari.
Awit sa umaga. “How great is our God.” Tsismis sa hapon. “Did you hear what she did?”
Mateo 12:36-37: “Sinasabi ko sa inyo, na sa araw ng paghuhukom, pananagutan ng mga tao ang bawat salitang walang kabuluhang sinalita nila. Sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay aariing ganap, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.”
Pananagutan. Bawat salita. Hindi lang yung mura. Pati yung “concern” na lason.
Efeso 4:29: “Huwag kayong magsalita ng anumang bulok na salita, kundi yaong mabuti sa ikatitibay, upang magbigay ng biyaya sa mga nakikinig.”
Bulok. Sa Greek: sapros. Bulok na prutas. Bulok na isda. Yan ang tsismis. Mabaho. Nakakadiri sa Diyos.
Konklusyon: Piliin Mo, Ahas o Espiritu?
Bakit may ahas sa larawan? Genesis 3:1. Ang ahas ang unang tsismoso. “Tunay bang sinabi ng Diyos?” Binago niya ang Salita ng Diyos. Binulungan si Eva. Sinirang-puri ang Diyos.
Juan 8:44: “Kayo’y sa inyong amang diablo… Siya’y mamamatay-tao buhat pa sa pasimula, at hindi nananatili sa katotohanan… sapagkat siya’y sinungaling, at ama ng kasinungalingan.”
Pag nagsisinungaling ka tungkol sa kapatid mo, kaninong anak ka?
Pero may pag-asa. Kasi may isang Dilang hindi nagsinungaling.
1 Pedro 2:22-23: “Na Siya’y hindi nagkasala, ni nasumpungan man ng daya ang Kanyang bibig. Nang Siya’y alipustain, ay hindi Siya gumanti ng pag-alipusta; nang magdusa Siya, ay hindi Siya nagbanta; kundi ipinagkatiwala Niya sa Kanya na humahatol nang matuwid.”
Si Jesus, nilait. Hindi gumanti. Sinirang-puri. Hindi gumanti.
Roma 5:8: “Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na nang tayo’y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.”
Namatay Siya para sa tsismoso. Para sa akin. Para sa iyo.
Efeso 2:8-9: “Sapagkat sa biyaya kayo’y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito’y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos; hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmapuri.”
Sumampalataya ka kay Jesus. Na Siya ang namatay para sa kasalanan mo, inilibing, at nabuhay muli. 1 Corinto 15:3-4.
Juan 6:47: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.”
Pag ligtas ka na, may bagong dila ka na. Santiago 3:17: “Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, ay una sa lahat ay malinis, pagkatapos ay mapayapa, mahinahon, masunurin, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga.”
Kaya itapon mo na ang kape ng tsismis. Iwaksi mo ang mesa ng ahas.
Awit 34:13-14: “Pigil mo ang iyong dila sa kasamaan, at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng daya. Tumalikod ka sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti.”
Colosas 4:6: “Lagi nawang may biyaya ang inyong pananalita, na tinimplahan ng asin, upang inyong malaman kung paano dapat sumagot sa bawat tao.”
Asin, hindi lason. Biyaya, hindi banta.
“Preach the word.” 2 Timoteo 4:2. Hindi “preach the chismis.”
Sa susunod na may magsimula ng “concern,” gawin mo ito: Itikom mo ang bibig. Iluhod mo ang tuhod. Ipanalangin mo ang pangalan. Huwag mong ipagkalat ang kasalanan.
Dahil ang tunay na fellowship, hindi nagpipiyesta sa bangkay ng reputasyon ng iba.
Ang tunay na fellowship, nagpupuri sa Krus na nagtakip sa kasalanan ng lahat.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Download for free:
The Epistle of James
https://faithalone.org/ebooks/santiago/
The Epistles of John
https://faithalone.org/ebooks/ang-epistula-ni-juan-isang-maikling-komentaryo/
Comments
Post a Comment