Religious checklist

 


Ang Diyos ay naghahanap ng tunay na mananamba, mga mananamba sa Espiritu at katotohanan. May masumpungan pa kaya ang Ama ngayon? 

Maraming Cristiano, mga taong naligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, ang sumasamba hindi sa biyaya kundi sa legalismo. Para sa mga Cristianong ito, ang pagsamba ay binubuo ng pag-anib sa relihiyon, matapat na pagdalo sa mga pagtitipon ng simbahan at paggawa ng lahat ng mga rito at rituwal. Hindi na mahalagang pumasok sa simbahan na walang nauunawaan at lumabas na wala pa ring nauunawaan. Ang mahalaga ay partisipasyon. 

At dahil ito ang kaniyang sukatan sa kabanalan, kapag nakita siyang mga Cristianong hindi sumasamba, mabilis siyang manghusga. Kinukuwestiyon niya ang kaligtasan ng mga ito. Kesyo hindi tunay ang pananampalataya dahil kung oo, bakit hindi sila namumunga. O kaya ay pinapalagay niyang nawala na ang kanilang kaligtasan dahil hindi nagpatuloy sa paglilingkod. 

In essence ang katunayan ng kaligtasan ay nakabase kung natsekan ang kaniyang personal religious checklists. 

Mas nakapokus siya sa eksternal. Para sa kaniya ang tunay na mananamba ay makikita sa tamang pananamit, tamang kilos at tamang pananalita. Kung nagdala ang isang tao ng ibang bersiyon ng Biblia, kung mas mahaba o mas maikli sa kaniyang palagay ang damit, or God forbid kapag ang babae ay nakapantalon at naka-make-up, ito ay patunay na ang taong iyan ay hindi tunay na anak ng Diyos kundi anak ng diablo. Ang kaniyang pagsamba ay masusumaryo sa isang tseklist. 

Ang kaniyang kakulangan ng bunga ng Espiritu o kawalan ng mga espirituwal na birtud ay pinapalitan ng lista ng mga gawaing paglilingkod. Mas mahalagang makita ng mga taong bitbit niya ang kaniyang KJV kaysa mamuhay siya nang may kabanalan at kaamuan. 

Anumang narinig sa simbahan ay nananatili roon. Walang aplikasyon ng doktrina. Mayroon lamang pakikinig pero walang pagtupad. 

Ang isang patunay na ang simpleng paggawa ng relihiyon ay hindi espirituwal na buhay ay ang katotohanang kahit ang mga hindi mananampalataya ay gumagawa rin nito. Bagamat ang mga ito ay hindi nanampalataya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan, ang kanilang katapatan ay makikita sa kanilang relihiyon dahil ito ang inaasahan nilang magliligtas sa kanila. Mas maagang sumamba, mas mahaba manalangin, at mas madalas sumamba. Kung nagagawa ito ng mga hindi mananampalataya, hindi ito ang buhay na hinihingi ng Diyos. 

Maging maingat tayong hindi natin itaboy ang mga naghahanap ng buhay nang dahil sa ating panatisismo at relihiyonismo. Dapat makita sa atin ang biyaya, hindi ang Parisaismo. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)

Download for free:

The Epistle of James https://faithalone.org/ebooks/santiago/

The Epistles of John https://faithalone.org/ebooks/ang-epistula-ni-juan-isang-maikling-komentaryo/




Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Panalangin sa Kapatiran

Nangungulila sa isang Ama