Pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan

 


Sa Evangelio ni Juan, madalas gamitin ni Jesus ang pagkain at pag-inom bilang metapora ng pananampalataya. Hindi ito tungkol sa pisikal na pagkain, kundi sa pananampalataya sa Kaniya bilang pinagmumulan ng buhay na walang hanggan. Ang pananampalataya kay Jesus ay inilalarawan bilang pinakamalapit at pinakapangailangan na gawain ng pagtanggap sa Kaniya, tulad ng pagtanggap natin ng pagkain sa ating katawan.

Sa Juan 6, matapos pakainin ang 5,000, sinundan si Jesus ng mga tao para humanap ng tinapay. Sinabi Niya sa kanila: “Huwag kayong magtrabaho para sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing nananatili at nagbibigay ng buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao.”

At nilinaw Niya ang metapora: “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.”

Ang “lumalapit” kay Jesus at ang “sumasampalataya” sa Kanya ay inilagay nang magkatabi sa pagkauhaw at pagkagutom na masusupil. Kung paanong tinatapos ng pagkain ang pisikal na gutom, tinatapos ng pananampalataya kay Jesus ang espiritwal na gutom.

Pinalakas pa ni Jesus ang larawan: “Ako ang tinapay na buhay na bumaba mula sa langit. Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman.”

Ipinaliwanag Niya kung ano ang ibig Niyang sabihin: “Ang kumakain ng Aking laman at umiinom ng Aking dugo ay nananatili sa Akin, at Ako sa kaniya… Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”

Nagulat ang mga alagad dahil parang literal ang tunog nito. Ngunit ang punto ay hindi kanibalismo—ito ay pakikipag-isa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang “kumain” ng Kaniyang laman at “uminom” ng Kaniyang dugo ay ang pagtanggap sa Kaniyang pagtubos at buhay sa pamamagitan ng pananampalataya, upang ang Kaniyang buhay ay maging buhay din natin. Gaya ng sinabi Niya, “Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; walang pakinabang ang laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay.” Ang nanampalataya ay may buhay na walang hanggan.

Gumagana rin ang metapora sa kabaligtaran. Ang tumatanggi sa pagkain ay namamatay. Maraming alagad ang nagsabi, “Mabigat ang salitang ito; sino ang makikinig dito?” at umalis na. Tumanggi silang “kumain.”

Hinayaan sila ni Jesus na umalis dahil hindi maaaring pilitin ang pananampalataya. Ang pagtanggi sa Kaniya ay ang manatiling nagugutom, manatili sa kamatayan. Ngunit sumagot si Pedro para sa iba: “Panginoon, kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salita ng buhay na walang hanggan.” Hindi lahat ng alagad ay may buhay na walang hanggan kundi tanging ang mga "kumain" o nanampalataya kay Cristo.

Sa Evangelio ni Juan, ang pagkain ay hindi lang simpleng ilustrasyon- ito ang puso ng paanyaya. Sabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay.” Ang manampalataya sa Kaniya ay may buhay na walang hanggan.

“Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)


Download for free:

The Epistle of James https://faithalone.org/ebooks/santiago/

The Epistles of John https://faithalone.org/ebooks/ang-epistula-ni-juan-isang-maikling-komentaryo/




Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Panalangin sa Kapatiran

Nangungulila sa isang Ama