Nakakainggit ang malalaking simbahan

 




Aaminin kong nakakainggit makakita ng malalaking simbahan. Sa Facebook man o harapang nakikita, nasasabi ko sa sarili, "Sanaol. Sana malaki rin kami."

Maliit ang aming grupo. Minsan ang mga mukhang makikita sa isang tipikal na Linggo ay ang parehong mukhang makikita sa kahit anong Linggo. 

Kailangan kong paalalahanan ang aking sarili. Ang layon ng simbahan ay hindi ang magtipon ng miyembro (pero sana dumami rin kami) kundi ang ibahagi ang Salita ng buhay sa mga hindi mananampalataya; at sa mga mananampalataya naman, ibahagi ang mga doktrina ng biyaya sa kanilang ilalago sa maturidad kay Cristo. 

Ang isa sa mga layon ng simbahan ay ibahagi ang katotohanang si Cristo ay namatay upang bayaran, maging pampalubag-loob, ang mga kasalanan. Inalis ng kamatayan ni Cristo ang kasalanan bilang hadlang sa pagitan ng Diyos at ng tao. Ang sinuman ay maaaring makalapit sa Diyos, gaano man kalaki ang kaniyang kasalanan, kung handa siyang sundin ang nag-iisang kundisyon ng Diyos. 

Ang nag-iisang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay manampalataya kay Cristo para rito. Ang sinumang manampalataya ay hindi mapapahamak kundi mayroong buhay na walang hanggan, Juan 3:16, Gawa 16:31.

Kung ikaw bilang mambabasa ay hindi pa nakatitiyak ng buhay na walang hanggan, kung hindi ka pa siguraod ng kaligtasan, gamitin mo ang oportunidad na ito upang manampalataya kay Cristo bago mahuli ang lahat, Heb 9:27. 

Ang isa pang layon ng simbahan ay ang dalhin ang mga bagong mananampalataya sa maturidad kay Cristo. Bilang mga mananampalataya kay Cristo sila ay ipinanganak na muli, at gaya ng sinumang ipinanganak, ang bagong mananampalataya ay sanggol kay Cristo. Kailangan niya ng dalisay na gatas ng doktrina upang siya ay lumago sa maturidad. Hindi ito isahang gabi lamang. Ito ay mahabang proseso ng patuloy na pakikinig at pagtupad ng Salita ng Diyos. 

Hindi lahat ay kayang tanggaping tanging pananampalataya lamang, at walang anumang ambag na kabutihan, ang kaligtasan. Hindi lahat ay kayang pagtiisan ang regular na sistematikong pag-aaral ng Salita ng Diyos. 

Dahil sa dalawang "hinding" ito, madalas maliit ang mga Bible churches. Hindi ito dapat maging dahilan upang panghinaan ng loob, o magkaroon ng inggit. Bilang mga matanda ng iglesia, hanggang ginagawa natin ang kalooban ng Diyos, hindi mahalaga kung tayo ay manatiling maliit o kakaunti. Ang mahalaga ay tuparin ang misyong iniwan ni Cristo. 

Maliit man ay nakakapuwing. Kahit maliit, kung tayo ay lumalakad kasama ni Cristo, tayo ay mag-iiwan ng bakas o impluwensiya sa ating komunidad. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)

Download for free:

The Epistle of James https://faithalone.org/ebooks/santiago/

The Epistles of John https://faithalone.org/ebooks/ang-epistula-ni-juan-isang-maikling-komentaryo/








Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Panalangin sa Kapatiran

Nangungulila sa isang Ama