Maligayang kaarawan anak!!!

 


Maligayang ikalabinsiyam na kaarawan, mahal kong anak.

Anak, sa araw na ito (Mayo 16), buong puso akong nagpapasalamat sa Diyos dahil ipinagkaloob ka Niya sa amin. Mula nung dumating ka sa mundo, nagbago ang buhay namin—napuno ng tawanan, pag-asa, at pagmamahal na hindi ko inakalang kayang maramdaman ng isang tao.

Nais kong ipaalala sa’yo ang Jeremias 29:11:

“Sapagkat nalalaman ko ang mga planong inihahanda ko para sa inyo,” sabi ng Panginoon. “Mga planong magdudulot ng kabutihan, hindi ng kapahamakan; mga planong magbibigay sa inyo ng pag-asa at isang magandang kinabukasan.”

Anak, kahit anong mangyari, may Diyos na may hawak ng buhay mo at may magandang inilaan para sa’yo. Maaaring hindi mo ito nakikita ngayon ngunit manghawak ka lang sa Kaniya at sa tamang panahon makikita mo ang Kaniyang mga kamay na nagsasaayos ng iyong buhay. 

Huwag mong kalilimutan kung gaano ka kahalaga. Ayon sa Awit 139:14, “Pinupuri kita, O Panginoon, sapagkat ako’y nilikha Mo nang kahanga-hanga at kamangha-mangha.”

Ikaw ay espesyal, sadyang ginawa nang may pag-iingat at pagmamahal. Huwag mong hayaang sabihin ng mundo na hindi ka sapat. Sa Diyos, sapat at mahalaga ka. Sa iyong mga magulang, at sa lahat ng nagmamahal sa iyo, ikaw ay sapat at mahalaga. Anuman ang sabihin ng lahat, huwag mong hayaang tisurin ka nila ng kanilang mga sabi-sabi. Huwag kang panghinaan ng loob. Sabi nga ng iba, Kami ang iyong resbak. 

Alam kong darating ang mga araw na mahihirapan ka, mapapagod, o magdududa ka sa sarili mo. Sa mga oras na iyon, kapit ka sa Kaniya: “Magagawa ko ang lahat sa pamamagitan ni Kristo na nagpapalakas sa akin.” Filipos 4:13

Hindi mo kailangang mag-isa. Ang lakas mo ay nagmumula sa Kaniya. Sa panahon ng kasalatan, at sa panahon ng kasaganahan, o anumang panahong iyong pagdaraanan, ang Diyos ang mag-iingat sa iyo. 

Sa ika-19 mong kaarawan, dalangin ko ang biyaya ng Diyos para sa iyo gaya ng nasa Bilang 6:24-26:  

“Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan ka. Paliwanagin nawa ng Panginoon ang Kanyang mukha sa iyo at mahabag sa iyo. Itingin nawa ng Panginoon ang Kanyang mukha sa iyo at bigyan ka ng kapayapaan.”

Orihinal na pagpapala ito ni Yahweh para kay Aaron at sa mga Aaronita. Ipinapalangin ko ang kaparehong panalangin sa iyo bilang isang haring pari ng dispensasyon ng biyaya. Nawa’y mapuno ang buhay mo ng Kaniyang presensya, proteksyon, at tunay na kapayapaan. Sa iyong paglakad sa moral na gubat, nawa ang Kaniyang biyaya at pagpapala ang patuloy na mag-iingat sa iyo. 

At higit sa lahat, anak, lagi mong tandaan ang Kawikaan 3:5-6:  

“Magtiwala ka sa Panginoon nang buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling pang-unawa. Alalahanin mo Siya sa lahat ng iyong ginagawa, at itutuwid Niya ang iyong mga landas.”

Kung ilalagay mo Siya sa gitna ng lahat, hindi ka maliligaw. Saan ka man dalhin ng kapalaran, nawa ay huwag mo Siyang kalilimutan. Siya ang maging sentro at perimetro ng iyong buhay. Manahan ka sa Kaniya at hindi ka mapapariwara sa landas na iyong lalakaran. 

Anak, mahal na mahal ka namin ng iyong nanay—higit pa sa kayang ipahayag ng mga salita. Nawa’y maging masaya, makabuluhan, at puno ng biyaya ang kaarawan mo ngayon at ang mga darating pang taon. 

Palagi akong proud sa’yo. Happy birthday, mahal naming anak!

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)

Download for free:  

The Epistle of James https://faithalone.org/ebooks/santiago/

The Epistles of John https://faithalone.org/ebooks/ang-epistula-ni-juan-isang-maikling-komentaryo/




Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Panalangin sa Kapatiran

Nangungulila sa isang Ama