Trust not in yourself
Isang bagay ang magsinungaling sa iba. Ibang bagay ang magsinungaling sa sarili.
Maraming tao ang sinungaling sa sarili. Bagamat sinasabi nilang ang kaligtasan nila ay nasa pananampalataya kay Cristo, sa katotohanan ay nanampalataya sila sa sarili nilang gawa upang maligtas.
Simple lang makita ang mga taong ito. Tanungin mo kung kanino dapat manampalataya upang magkaroon ng kaligtasan. Marami ang magsasabing dapat manampalataya kay Cristo (may mangilang sasagot kay Allah o sa ibang diyos ayon sa kanilang relihiyon). Tanungin mo kung nanampalataya sila kay Cristo. Kapag sumagot ng oo, tanungin mo kung mayroon silang buhay na walang hanggan. Ang lahat ng sumagot na wala, tanungin mo kung bakit. Siguradong ang isasagot nila ay nagkakasala pa sila at kailangan nilang gumawa ng mabuti hanggang kamatayan.
Samakatuwid ang kaligtasan ay hindi pananampalataya kay Cristo kundi pananampalataya kay Cristo PLUS pagtigil sa kasalanan PLUS gumawa ng mabuti hanggang kamatayan.
Mali ito.
Ang nag-iisang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay manampalataya kay Cristo. Iyan ang sabi sa Juan 3:16 at Gawa 16:31. Iyan ang sabi sa mahigit isandaang pasahe ng Biblia.
Kailan man hindi kundisyon ang mga gawa upang maligtas. Mabuti ang mga gawa pero hindi ito ang kundisyon sa kaligtasan.
Ang tanging gawang tanggap ng Diyos ay ang gawa ni Cristo sa krus. Namatay Siya upang bayaran ang kasalanan, inilibing Siya at pagkatapos ng tatlong araw ay bumangon uli. Ginawa Niya ang gawa ng kaligtasan at ang tanginv magagawa na lamang ng tao ay tanggapin ang kaligtasang ito sa pamamagitan ng pananampalataya.
Kung manampalataya ka ngayon, ngayon din ay mayroon kang kaligtasan. Ngayon din ay mayroon kang buhay na walang hanggan.
Hindi ka maliligtas ng gawa. Kung oo, hindi na sana kailangan ni Cristong mamatay sa krus.
Ang pagsalig sa iyong mga gawa ay pagsabing hindi sapat ang gawa ni Cristo sa krus. Ito ay insulto sa supisyenteng gawa ni Cristo.
Nais mo ba ng buhay na walang hanggan? Manampalataya ka ngayon. Ang pangako ay hindi mapapako- ang sinumang manampalataya ay hindi mapapahamak kundi mayroong buhay na walang hanggan.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Download for free:
The Epistle of James https://faithalone.org/ebooks/santiago/
The Epistles of John https://faithalone.org/ebooks/ang-epistula-ni-juan-isang-maikling-komentaryo/


Comments
Post a Comment