Mainit ang araw pero mas mainit sa impiyerno

 


Kanina nagtabas ako ng mga sanga upang maging mas maaliwalas ang bakuran. Nilinis ko ang makakapal na mga sanga at dahon upang mas maging maaliwalas at maayos ang bentilasyon. 

Mainit ang panahon. Kahit nakasuot ako ng damit na may mahabang manggas at may suot na sombrerong buri, pakiramdam ko nasunog ang aking balat sa tindi ng init. Dapat naglagay ako ng sunscreen sa mukha at leeg. 

Ngunit gaano man kainit ang araw, mas mainit pa rin sa lawa ng apoy. Ayon sa Kasulatan, dito pahihirapan ang anticristo at huwad na propeta araw at gabi magpakailan man. Ang diablo at kaniyang mga anghel at ang lahat ng hindi nasulat sa Aklat ng Buhay ay itatapon dito. 

Hindi kailangang ito ang iyong maging kapalaran. Namatay si Jesus sa krus upang bayaran ang iyong mga kasalanan at upang iligtas ka sa impiyerno. 

Ginawa ni Cristo ang trabaho ng kaligtasan sa krus. Ang sinumang manampalataya sa Kaniya ay hindi na hahatulan ay mapapahamak sa lawa ng apoy; sa halip siya ay may buhay na walang hanggan. 

Ang nag-iisang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay manampalataya kay Cristo para rito. Ang sinumang manampalataya ay hindi mapapahamak kundi mayroong buhay na walang hanggan. Ang sinumang manampalataya ay hindi pupunta sa impiyerno; siya ay ligtas magpakailan man, Juan 3:16; Gawa 16:31. 

Hindi mo matatamo ang kaligtasan sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti, pagtalikod sa kasalanan o pag-anib sa relihiyon. Hindi ito matatamo sa pag-aabuloy o sa paglilingkod. Ang mga ito ay maganda ngunit hindi sapat upang magligtas. 

Ang tanging gawang katanggap-tanggap sa Diyos ay ang gawa ni Cristo sa krus. Ang gawa ng Diyos na katanggap-tanggap sa Diyos ay ang manampalataya sa Kaniyang sinugo, si Cristo, Juan 6:29. 

Huwag mong sayangin ang oras na ito. Mainit ang araw ngunit mas mainit ang impiyerno. Maaari kang magpayong o sumilong sa lilim para makaiwas sa matinding araw, ngunit tanging pananampalataya kay Cristo ang magliligtas sa init ng impiyerno. Manampalataya ka ngayon at siguruhin ang buhay na walang hanggan. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)

Download for free:

The Epistle of James https://faithalone.org/ebooks/santiago/

The Epistles of John https://faithalone.org/ebooks/ang-epistula-ni-juan-isang-maikling-komentaryo/




Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Panalangin sa Kapatiran

Nangungulila sa isang Ama