Huwag nating sayangin ang sakripisyo ni Cristo

 


Isang araw, dalawang libong taon na ang nakaraan, ang Anak ng Diyos ay pinako sa krus. Namatay Siya hindi dahil Siya ay masamang tao. Namatay Siya upang bayaran ang kasalanan ng sanlibutan

Ang awtor ng buhay ay ibinigay ang Kaniyang buhay sa krus upang ang sinumang patay espirituwal na manampalataya sa Kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan

Namatay Siya upang ang mga patay sa kasalanan at patungo sa lawa ng apoy ay magkaroon ng buhay na walang hanggan at makasama Niya magpakailan man sa Kaluwalhatian. 

Namatay Siya upang alisin ang hadlang ng kasalanan. Walang sinumang pupunta sa impiyerno nang dahil sa kasalanan. Binayaran iyan ni Cristo sa krus. Ang tanging dahilan kung bakit may pupunta sa impiyerno ay hindi siya nanampalataya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan. 

Ang nag-iisang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay manampalataya kay Cristo. Hindi ang umanib sa relihiyon o gumawa nang katuwiran. Maaaring nakatutulong ang mga ito sa buhay. Ngunit hindi ang mga ito ang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. 

Kapag tayo ay umasa sa sarili nating kabutihan at katuwiran, sa halip na manampalataya kay Cristo, sinasabi nating hindi sapat o walang pakinabang ang trabaho ni Cristo. Pinipili nating umasa sa ating magagawa kaysa sa ginawa Niya sa krus. 

Ang pagsampalataya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan ay nagpapakitang kinikilala nating wala tayong likas na katuwiran at walang kakayahang magligtas sa ating mga sarili. Kailangan natin Siya upang iligtas tayo at bigyan ng buhay na walang hanggan. 

Huwag nating balewalain ang ginawa ni Cristo sa krus. Huwag nating sayangin ang Kaniyang sakripisyo. 

Kung maliligtas tayo ng sarili nating mga gawa, hindi na sana namatay si Cristo sa krus. Namatay Siya dahil alam Niyang ito ang tanging paraan upang makalapit tayo sa Diyos. 

Kung hindi ka pa nakasisiguro ng buhay na walang hanggan, gamitin mo ang pagkakataong ito upang manampalataya kay Cristo. Huwag kang umasa sa iyong relihiyon o sa iyong kabutihan upang maligtas. Siya lamang ang makapagliligtas at makapagbibigay ng buhay na walang hanggan. Manampalataya ka kay Cristo. 

Ang pangako Niya ay sinumang sumampalataya ay hindi napapahamak kundi mayroong buhay na walang hanggan. Sumampalataya ka ngayon at tanggapin ang buhay na walang hanggan. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)

Download for free:

The Epistle of James https://faithalone.org/ebooks/santiago/

The Epistles of John https://faithalone.org/ebooks/ang-epistula-ni-juan-isang-maikling-komentaryo/




Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Panalangin sa Kapatiran

Nangungulila sa isang Ama