Keep me and mine safe
Ituloy natin ang aking repleksiyon sa prayers, Nieto style.
Pagkagising sa umaga, nagbibigay agad ako nang maikling panalangin ng pasasalamat. I admit I am not a man of long prayers so pagkatapos ng pasasalamat sa Diyos, magbabasa at magpopost na ako ng mga Bible materials sa aking Facebook. Ise-save ko na rin ang mga materials na ise-share ko sa maghapon. Ang unang isang oras ng aking umaga ay kritikal dahil dito ko pinakakain ang aking kaluluwa at ito rin ang magdidikta kung ano ang gusto kong ishare sa aking FB. Gaya nang lagi kong sinasabi, ang aking FB ay extension ng aking ministry at kung ayaw mong makabasa ng mga materyal patungkol sa Biblia, pamilya at konserbatismo, malaya kang mag-unfriend at mag-unfollow.
Pagkaalmusal at pagkaligo, maghahanda na akong pumasok sa school. Siyempre nagpapasalamat ako sa almusal na binigay ng Panginoon at hinanda ng aking misis. Ang aking araw-araw na paalam sa aking misis ay, "Bye, ingat, yabyu, mwah-mwah." Hindi pwedeng hindi ako mamaalam dahil baka ito na ang huli naming pagkikita ni misis. Naroon din ang aking pag-iingat sa kaniya at sa aking mga anak. Ang yabyu ay "I love you." Kung madisgrasya at mamatay man ako sa kalsada, ang pagmamahal ang gusto kong huling mensahe. Ang mwah-mwah ay good bye kiss.
Sa aking pag-alis, mananalangin ako habang nagda-drive. Ang aking panalangin lagi ay, "Amang banal ingatan mo ako sa aking pagbiyahe. Ilayo mo ako sa anumang kapahamakan at ligtas mo akong dalhin sa school (kung may pasok; sa Dahat kung magsisimba; sa Amoguis kung dadalaw kina tatay; sa kung saang lugar kung may iba aking pupuntahan) at ligtas mo rin kaming iuwi mamayang hapon. Bigyan mo ako ng kapangyarihang harapin ang mga pagsubok ng isang linggo (kung papunta sa school; kung papunta naman sa church: Bendisyunan mo ang aming pag-aaral upang ito ay magdala sa iyo ng kaluwalhatian at pagpapatibay sa mga nakikinig). Hinihingi ko po ito sa pangalan ng aming Panginoong Jesucristo, Amen."
Siyempre sa Bicol.
Pagdating sa aking lungga, ilalabas ko ang aking laptop at ang aking baon mula sa aking bag. Magkakaroon naman ako ng 15 minutong prayer bago pumasok sa aking unang subject. Hindi ako morning person kaya mas mahaba ang aking panalangin sa mga oras na ito kaysa pagkagising.
Sa buong maghapon mananalangin ako ng pag-iingat at kung may nagawa akong maling desisyon, humihingi aking ingatan ako ng Diyos sa aking mga maling desisyon.
Kapag uwian, mananalangin ako. By this time, sakay ko ang aking bunso at ang panalangin ko ay ganito, "Ama ingatan mo kami sa aming pag-uwi. Bigyan mo ako ng malinaw na mata (dahil gabi na kami umuuwi) at maliksing mga kamay. Ilayo mo kami sa mga kapahamakan sa kalsad. Ligtas mo kaming dalhin sa bahay. Salamat po sa pangalan ng aming Panginoong Jesucristo. Amen."
Sa mga susunod na blogs, ise-share ko ang laman ng aking mga prayers, mula sa aking pamilya hanggang sa mga maysakit at hanggang sa mga lider ng pamahalaan.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Download for free: https://faithalone.org/ebooks/santiago/


Comments
Post a Comment