Prayer is the secret
Naiinggit ako sa mga Cristianong kahit anong pagsubok ang dumaraan sa kanilang buhay ay hindi nagagalaw. Kalamidad, economic problems, karamdaman, kahit anong dumating sa kanilang buhay, tila lagi silang kalmado. Napapatanong ako kung ano ang sikreto sa kanilang lakas.
Minsan natanong ko ang aking biyenan kung ano ang sikreto ng kanilang espirituwal na lakas. Binanggit niya ang pagtitiwala sa Diyos, pag-aaral ng Kaniyang Salita at pananalangin. Aaminin kong weakness ko ang pananalangin.
Ang sikreto sa nakikitang lakas ay ang hindi nakikitang buhay panalangin. Kaya pala may lakas silang harapin ang problema ng buhay ay dahil kumukuha sila ng lakas hindi mula sa kanilang sarili kundi mula sa Diyos.
Sa tagong silid, ang mga malalakas na Cristiano ay lumuluhod at humihingi ng lingap mula sa Diyos. Sabi nga ng matatanda, ang layo ng Cristiano sa espirituwal na tagumpay ay ang distansiya sa pagitan ng kaniyang tuhof at sahig. Ang Cristianong laging nasa paanan ng Panginoon sa panalangin ay may sikreto ng espirituwal na tagumpay.
Ang tagumpay na ito ay hindi makukuha sa pisikal na lakas, sosyal na impluwensiya o materyal na yaman. Ito ay panloob na lakas na nagagawang harapin ang anumang panlabas na pagsubok nang may kagalakan dahil ang bawat pagsubok ay demonstrasyon ng pag-iingat ng Diyos.
Christians, ang mundo ay pasama nang pasama. Ang ating kaaway ay nag-o-overtime para ma-distract tayo sa kung ano ang mahalaga. Gagamitin niya ang mga tao sa ating paligid (mga kapitbahay, katrabaho, kaibigan, kasimbahan, atbp) upang tayo ay ilayo sa Diyos. Gagamitin niya ang mga sirkumstansiya (problemang ekonomikal, kalamidad, depresyon, atbp) upang tayo ay manghina o upang maghanap ng ibang malalapitan. Gagamitin niya ang ating kalusugan (o kawalan nito) upang tayo ay ibagsak. In other words, gaya ng isang magaling na boksingero, hahanapin niya ang ating kahinaan at doon tayo aatakehin.
Mas matalino at mas malakas si Satanas pero ang Diyos ay omnisiyente at omnipotente. Lumapit tayo sa Kaniya upang mapaglabanan ang masama.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama’t miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)


Comments
Post a Comment