Palag ka?

 


Roma 8:31 Ano ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?

Noong ako ay highschool, may isang pagkakataong umuwi ako at ang aking mga kasama mula sa Manuel A. Roxas High School nang abangan kami ng isang grupo ng mga kabataan. Marami sila at iilan lang kami kaya natural hindi kami pumalag. Kung pumalag kami, mas lalo kaming masasaktan. Buti na lang may mga nagmamagandang loob na matatandang sumaway at iniwan kami ng mga kabataan. 

Sa espirituwal na buhay may bully na walang ibang nais kundi saktan ang mananampalataya. Si Satanas ay isang malaking bully na ang misyon sa buhay ay pigilan ang taong manampalataya kay Cristo at kung manampalataya man ay pigilan siyang lumago sa maturidad. Lahat ay gagawin ni Satanas - takutin ang mga tao palayo kay Cristo at ang mga hindi matatakot ay siluin ng mga bagay ng sanlibutang ito. 

Papalag ba tayo kay Satanas. Sa ating sarili, sa sarili nating lakas, wala tayong magagawa kay Satanas, naisin man nating pumalag. Siya ay higit na makapangyarihan at marunong kaysa sa atin. At mayroon siyang milenyong karanasan sa pakikipag-ugnayan sa tao. May mga pagkakataong ginagamit niya ang dahas gaya ng pag-uusig upang ilayo ang tao sa Diyos. Ngunit may mga pagkakataong ginagamit niya ang relihiyon upang akitin ang tao sa estado ng "espirituwalidad" ngunit walang laman. O akitin ang tao sa mga bagay ng sanlibutan. Pumalag man tayo, tayo ay tiyak na magagapi. 

Thank God na nang tayo ay manampalataya kay Cristo, ang Espiritu (actually ang buong Trinidad) ay nanahan sa atin. Higit Siyang dakila kaysa sa kaniyang nasa sanlibutan (si Satanas). Dahil dito kung tayo ay lalakad sa Espiritu, si Satanas ay hindi makakapalag. As long as we walk by means of the Spirit and not by the flesh, walang kapangyarihan si Satanas sa atin. 

Ngunit kung tayo ay hihiwalay sa Espiritu dahil tayo ay asa sa ating kakayahan at karunungan, tayo ay magiging kasuwalidad sa espirituwal na digmaan. 

Kaya, Cristiano, matuto tayong lumakad sa daan ng Espiritu. Magagawa lamang natin iyan kung tayo ay nag-aaral at tumutupad ng Salita ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng manahan kay Cristo. Ito ang kahulugan ng manatili sa Diyos. Kung magtitiwala tayo sa Espiritu at hindi sa sarili nating karunungan, ang tagumpay ay tiyak. 

Papalag ka ba? 

Kung kasama ko ang Espiritu, definitely. Hindi dahil sa ako ay malakas ngunit dahil ang kapangyarihan ng Diyos ang aking sandigan. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Nangungulila sa isang Ama

Panalangin sa Kapatiran