A message to my wife
Nang makita ko ito sa FB ng Focus on the Family, I decided at once na sumulat ng blog na pumupuri sa aking misis. Ang blog na ito ay appreciation post sa aking misis (at lahat ng misis na katuwang ng kanilang mga Adan).
Kulang ang mga salita upang ilarawan ang kadakilaan ng aking misis. Lahat ng gawaing bahay ay kaniyang ginagawa. Nang walang reklamo. Nonstop. Mula umaga hanggang gabi.
Idagdag mo pa diyan na siya ang personal na nag-aasikaso sa akin. Spoiled ako ng aking misis. Mula sa tuwalya hanggang sa kape, sa mga damit, gamit sa school, almusal, lahat ng may kinalaman sa akin, lahat iyan ay ginagawa ng aking misis. Ang usapan namin ay magsasakripisyo ako para sa buong pamilya pero siya ang personal na mag-aasikaso sa akin.
Bukod diyan ay may tungkulin pa siya sa kaniyang mga magulang. Ang aking mga biyenan, sila nanay at tatay, at marami na ring iniindang mga sakit, at anumang isyu mayroon sa kanila, damay ang aming pamilya. Appreciated ko ang kaniyang pagmamahal kina nanay at tatay.
Pati kaniyang mga kapatid, mga pamangkin at mga kapinsanan ay kaniyang pinaglilingkuran. Nariyan siya para maghatid sundo, mamili, at kung anu-ano pang paglilingkod. Hindi ba at superwoman ang aking misis?
Isa akong guro ng Biblia. Pati ang simbahan ay kaniya pa ring dapat pakisamahan. Ang simbahan ay isang extended family na may iba't ibang personalidad at makikita ninyo kung gaano siya ka-flexible.
Kapag nasisiraan ako ng sasakyan, siya ang hatid-sundo sa akin. Siya ang sumasama sa mga bata sa kanilang mga lakad, pati pagdalo sa mga meetings! Para sa isang teacher, tamad akong mag-meeting! Siya ang bumibili ng bigas, ng grocery at anumang may kinalaman sa bahay.
On top of all of that, nagbababoy pa siya. Minsan napapaisip ako kung paano niya nadadala ang sinakong feeds sa Amoguis kada buwan. Noong nasa kontrol pa namin ang kalamansian, pati iyan inaasikaso niya. At ngayon nagsisimula naman siya ng vegetables garden sa aming likuran.
Ang aking misis ay isang superwoman.
Masasabi ko nang buong katapatan sa harap ng Diyos at sa harap ninuman, I am blessed. I am thankful. I graced out. Of all the women, si Lerna I. Nieto ang aking napangasawa. I am truly thankful.
Kawikaan 31:28 Nagsisibangon ang kaniyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad; gayon din ang kaniyang asawa, at pinupuri siya niya, na sinasabi: 29 Maraming anak na babae ay nagsisigawang may kabaitan, nguni't ikaw, ay humihigit sa kanilang lahat. 30 Ang lingap ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan: nguni't ang babae na natatakot sa Panginoon, ay siya'y pupurihin. 31 Bigyan ninyo siya ng bunga ng kaniyang mga kamay; at purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment