The Consequences of Sin: Guilt and Shame

 


We're all sinners saved by the grace of God. Nang tayo ay manampalataya kay Cristo, nawasak ang monopolyo ng kasalanan sa ating mga buhay at ang Espiritu ay nanahan sa ating upang bigyan tayo ng kapangyarihang mamuhay ng espirituwal na buhay, Roma 6-8.

Gusto ko sanang sabihing sa sandaling tayo ay manampalataya, hindi na tayo magkakasala pang muli. Ever. Ngunit alam ninyong hindi ito totoo. Sa sandaling malimutan natin kung sino tayo kay Cristo at manahan sa pagkakakilanlang iyan, tayo ay nagkakasala, 1 Juan 3. 

Isang bagay ang maputikan habang lumalakad; ibang bagay ang magtampisaw dito. 

As long as tayo ay nagkukumpisal ng ating mga kasalanan sa Diyos, tayo ay Kaniyang patatawarin at lilinisin upang muling makalakad sa Kaniyang liwanag. Ngunit paano kung ang Cristiano ay nag-enjoy na sa pagtampisaw sa kasalanan? 

Let me be the first to affirm that a Christian cannot lose his salvation. Once saved, always saved. Walang anumang makapaghihiwalay sa Cristiano sa pag-ibig ng Diyos, Roma 8:38-39. 

Ngunit hindi ito nangangahulugang okay lang ang magkasala, Roma 5-6. Sa halip ang biyayang nagligtas sa atin ay nagtuturo sa ating iwaksi ang kasalanan at mamuhay sa kabanalan, Tito 2:11-15. 

Sa sandaling tayo ay nag-insist na mamuhay sa kasalanan sa halip na bumalik sa Diyos, tayo ay Kaniyang didisiplinahin gaya ng isang minamahal na anak, Heb 12. 

Bukod sa disiplina sa temporal na buhay na ito, ito rin ay makakaapekto sa ating gantimpala sa Bema, 1 Cor 3. 

Bukod diyan ang pamumuhay sa kasalanan ay bumabago sa atin sa paraang minsan ay hindi natin napapansin. Walang humahawak sa baga ang hindi napapaso at nasusunog ang balat.

Isa sa mga konsekwensiya ng pamumuhay sa kasalanan ay lumilikha ito sa atin ng guilt at shame. May dahilan kung bakit maraming tinatago ang kanilang kasalanan sa dilim, Juan 3:18-21; Efeso 5:11-13. Ito ay dahil ang kasalanan ay may kaakibat na kahihiyan at guilt. 

Kaya patago tayo magkasala. Ngunit hindi tayo magkapagtatago sa mata ng Diyos. 

Sa sandaling madiskubre ang ating kasalanan, tayo ay nakararanas ng guilt at kahihiyan. At dahil ayaw nating napapahiya o nakararanas ng guilt (basiko iyan sa kalikasan ng tao, tanungin ninyo si Inang Eva sa Genesis 3), tayo ay nagagalit at nagtatago. 

Kaya ayaw na nating magsimba dahil tinataguan natin ang ating kapwa. Gaya ni Jonas, tumatakbo tayo sa kabilang direksiyon. 

Pinuputol din natin ang ating ugnayan sa iba. Kung nagtatrabaho sa ibang lugar, hindi na umuuwi (o bihira at mabilis lamang) dahil ang kasalanan ay sumisira ng relasyon (sa hiwalay na blog bukas). 

Ina-unfriend or unfollow natin sa Facebook at social media ang mga taong sa ating palagay ay threat sa ating kasalanan. Dahil sa guilty, iniisip nating bawat post ay patama sa atin. Inisiip nating ang bawat post ay batong nais ipukol sa atin, Juan 8. 

Lahat ng mga ito ay iba't ibang bersiyon ng ginawa ni Adan at Eva. Nang tumawag ang Diyos sa Hardin ng Eden, sila ay tumakbo at nagtago. Sa halip na tumakbo palapit sa Diyos, sila ay nagtago at gumawa ng kanilang sariling paraan upang pagtakpan ang kanilang kahubdan (mas malaking kahubdan ang naganap sa kanilang kaluluwa). 

Kung inisiip nating nakabubuti sa atin ang pagtakbo at pagtago, napapamali tayo. Sa ginagawa nating ito, sa halip na matulungan tayong manumbalik sa Diyos, pinatitugas lamang natin ang ating puso. Cut off sa anumang source ng divine viewpoint (pagsaway, pagpayo at pangaral), lalo lamang nating binabaon ang ating sarili sa kadiliman. And we wonder kung bakit walang direksiyon ang ating mga buhay.

Nagtataka tayo bakit tila mabigat ang kamay ng Diyos. Hindi dahil Siya ay sadista kundi dahil Siya ay nagmamahal na Amang pilit kang inaabot ng Kaniyang Salita. Nang i-unfriend mo ang kaibigang nagpopost ng kabanalan at kamalian ng sekswal na imoralidad, sinarado mo ang iyong tainga sa Kaniyang pagtawag. 

Masakit ang harapin ang kamalian. Ngunit ito ang unang hakbang upang maitama ang mali. Huwag nating hayaang kumapal sa kalyo ang ating mga puso bago tayo kumilos. Laging nasa huli ang pagsisisi at huwag na nating hintaying masira nang husto ang ating mga buhay bago tayo magsabing, "Ama nagkasala ako."

Sa halip na magalit sa mga taong ginagamit ng Diyos upang ipakita sa iyo ang iyong kamalian, pasalamatan mo sila. Ichat mo, "Thank you, natauhan ako. Salamat at nagmalasakit ka upang ibalik ako sa tamang daan." (San 5:19-20; Gal 6:1-2). 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. 



(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Nangungulila sa isang Ama

Panalangin sa Kapatiran