Buti pa si Deped binibisita ang hindi pumapasok

 


Galatia 6:1 Mga kapatid, kung ang sinoman ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso.

Galatia 5:19 Mga kapatid ko, kung ang sinoman sa inyo ay nalilihis sa katotohanan, at siya'y papagbaliking loob ng sinoman; 20 Ay alamin nito na ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan, mula sa kamalian ng lakad niya ay magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan, at magtatakip ng karamihang kasalanan.

Lukas 15:4 Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon ay hindi iiwan ang siyam na pu't siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito'y kaniyang masumpungan?

Isa sa mga tool na aking ginamit nang ako ay adviser pa (at kahit hindi advisers dapat gamitin ito) ay ang ILMP.  Ito ay paraan upang ma-monitor ang mga estudyanteng hindi updated sa school work, lalo na nuonh pandemic na ang learning ay online or distant modular. 

Bumibista kami sa mga bahay ng mga bata. Kinakausap ang mga magulang at mga bata mismo. Inaalam namin kung ano ang problema, bakit hindi siya nakakasabay sa klase at sinisikap na makarating sa agreement kung ano ang dapat niyang gawin upang matupad ang kaniyang obligasyon. 

Isa itong paraan upang matulungan ang mga nahuhuli sa aralin. Katuwang ng paaralan ang pamilya upang makahabol ang bata. 

Nakalulungkot na ang ganitong ministri ay napapabayaan sa ating mga simbahan. Kung mayroon tayong mga kapatid na hindi nakakasimba, walang pumupunta sa kanilang bahay upang bumista, alamin ang dahilan at makarating sa isang agreement kung paano sila makababalik sa simbahan. 

Kailangan ba ng sasakyan? Marahil pwede siyang sunduin. Tinatamad? Baka pwede siyang ma-encourage na bumalik. May kasalanang dinadala? Sabi ni Santiago, may gantimpala sa nagbalik sa kapatid palayo sa daan ng kamatayan.

Ang mabuting pastol ay iniiwan ang siyamnapu't siyam upang hanapin ang isang naliligaw. Hindi niya pipilitin ang mga nariyan na upang sumama sa anumang meeting na mayroon siya samantalang may isang nawawala. 

Nakalulungkot na mas interesado tayong suportahan sa ating mga programa kaysa sa hanapin ang nawawalang kapatid. Nauunawaan kung may kapangyarihan ang bilang, mas nakalalakas ng loob pero kung mas interesado kang marami kang kasama sa pagtuturo kaysa isugo ang mga ito upang bumisita sa ibang hindi na nagsisimba, may mali ang iyong prioridad. Ang mga dating nandiyan na, hindi nawawala, ay hindi na kailangang hanapin. Yung mga absent sa simbahan ang mas nangangailangan ng atensiyon. 

Nalungkot ako nang may ganitong kwentong dumating sa akin. Marahil makakapag-isip-isip ang lahat na mahalaga ang bisitahin ang kapatid na hindi na nagsisimba, mas mahalaga kaysa sa sumama sa meeting ng mga dati nang nagsisimba. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. 




(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Nangungulila sa isang Ama

Panalangin sa Kapatiran