Walang katuwiran sa magagalitin
Santiago 1:20 Sapagka't ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios.
Sa v19 sinulat ni Santiago ang tamang response kapag nasa gitna ng pagsubok: maliksi sa pakikinig, makupad sa pananalita at makupad sa pagkagalit. Ang nakalulungkot ay kadalasan, baligtad ang ating natural na reaksiyon. Tayo ay madaling magalit, madaling magsalita at madalas hindi nakikinig. Mas interesado tayo sa ating nararamdaman kaysa sa unawain ang tunay na isyu.
Maraming Cristiano ang lumalakad sa emosyon. Mas interesadong iboses ang kaniyang iniisip kaysa sa makipag-ayos at hanapin ang kapayapaan. No wonder na tinawag na mapalad ang gumagawa ng kapayapaan - hindi lahat ng Cristiano ay kapable nito.
Sa v20 sinabi ang dahilan:
"Sapagka't ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios."
Wala pa akong kilalang magagalitin na gumagawa ng katuwiran ng Diyos. Oo may dibinong galit laban sa kasalanan ngunit ang tinutukoy ni Santiago ay galit ng tao. Galit na nagmumula sa taong ayaw makinig at gusto lamang magsalita. Ang ganitong uri ng galit ay hindi gagawa ng tama.
Ang ganitong galit ay lilikha lamang ng mas malaking problema. Ito ay paghuhukay ng mas malalim na butas para sa sarili.
Samakatuwid ang magagalitin ay hindi makagagawa ng katuwiran ng Diyos. Anumang katuwiran na kaniyang inaakalang pinaglalaban ay katuwiran mula sa laman at hindi mula sa Diyos.
Mahirap mamuhay nang matuwid kapag magagalitin. Ito ay kabaligtaran ng kaamuan at pagtitiis na layon ng pagsubok.
Paano mo malalaman kung ang tao ay magagalitin? Pakinggan mo ang kaniyang pananalita. Ang bibig ay nagsasalita ng mga bagay na mula sa puso. Kung ang salita ay laging panghuhusga at pagmamaliit sa halip na pagbuo at pagpapatibay, ang taong iyan ay magagalitin. Mula sa bukal ng puso, lumalabas ang balon ng pananalita.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment