Tagapakinig at Tagatupad
Santiago 1:22 Datapuwa't maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili.
Upang maharap natin ang pagsubok ng buhay kailangan natin ng karunungan. Ang karunungang mula sa Diyos ay nanggagaling sa pakikinig at pagtupad ng Salita ng Diyos.
Hindi sapat ang regular na pakikinig ng Salita. Ang Salitang narinig ay kailangang maitago sa puso at magamit sa araw-araw na pamumuhay.
Upang maunawaan ang Salita, kailangan itong tanggapin nang may kaamuan. Kailangan itong tanggapin nang malinis ang puso mula sa kasalanan. Dahil dito nagkukumpisal tayo bago mag-aral ng Salita ng Diyos.
"Datapuwa't maging tagatupad kayo ng salita." Hindi lamang tayo regular na nakikinig ng Salita. Kailangan din nating maging regular na tagatupad nito. Gaano man kahalaga ang pag-aaral ng Salita, hindi ito ang end goal, instead ito ay pasimula lamang with the goal of developing wisdom to apply in life.
"At huwag tagapakinig lamang." Mahalaga ang pakikinig. Pero huwag tayong maging tagapakinig "lamang." Maraming nag-aakalang basta nakasimba na sa isang linggo, natupad na niya ang kaniyang Cristianong katungkulan. Ngunit ang Salita ay dinesenyo upang gamitin sa araw-araw. Ang impormasyong natutunan kapag Linggo ay dapat nating gamitin mula Lunes hanggang sa susunod na Linggo kung saan ito ay muling dadagdagan. Hindi natin dapat hatiin ang buhay sa sekular na Lunes hanggang Sabado at relihiyosong Linggo. Hindi natin dapat hatiin ang pribadong Lunes hanggang Sabado at publikong Linggo.
"Na inyong dinadaya ang inyong sarili." Ang nakikinig lamang ngunit walang aplikasyon ay pandaraya sa sarili. Isang bagay ang linlangin ang iba, espesiyal na kahangalan ang linlangin ang sarili. Maraming nalilinlang na palibhasa sila ay regular na nagsisimba at may kaalaman sa Biblia, sila ay banal na. Ngunit ang praktikal na kabanalan ay nangangailangan ng praktikal na aplikasyon.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment