Pagpapala sa tumutupad at hindi tagapakinig lamang

 


Santiago 1:25 Nguni't ang nagsisiyasat ng sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatiling gayon, na hindi tagapakinig na lumilimot, kundi tagatupad na gumagawa, ay pagpapalain ang taong ito sa kaniyang ginagawa.

Sa mga nakaraang blog nakita natin kung paanong ang Cristianong nahaharap sa mga pagsubok ng buhay ay dapat makinig at higit sa lahat ay tumupad sa Salita ng Diyos. 

Ang taong nakikinig lamang ngunit walang aplikasyon ay dinadaya o nililinlang ang sarili. Isang bagay ang linlangin ang iba; ibang bagay ang linlangin ang sarili. 

Sila ay kagaya ng mga taong nagsasalamin at nakikita ang kanilang mukha ng kapanganakan ngunit walang ginagawa tungkol dito. Bagama't alam nilang ang kanilang itsura ay nadudumihan anupa't natatakpan ang kanilang mana mula sa Ama, umaalis silang walang pagbabago sapagkat ang mahalaga ay nakarinig na ng Salita. Ang Salita ng Diyos ay walang iniiwang malalim na impluwensiya sa kanilang mga buhay. 

"Nguni't ang nagsisiyasat ng sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan." Ang kabaligtaran ng Cristianong nakikinig lamang na walang balak na isagawa ang kaniyang napakinggan ay ang Cristianong nagsisiyasat. Nais niyang malaman ang tunay na kahulugan ng Salita upang ito ay malinaw niyang masunod. Ano ang kaniyang sinisiyasat? Ang "kautusan ng kalayaan." Bakit kautusan ng kalayaan? Dahil hindi gaya ng Kautusan ni Moises na walang kalayaan kundi puro pagbabawal, ang mg rebelasyon ng Bagong Tipan ay nagpapalaya. Ang mensahe nito ay nagbibigay sa Cristianong malayang paglingkuran ang Diyos nang walang distinksiyon sa angkan o kalagayan sa lipunan. Malaya ang Cristianong gawin ang anumang hindi pinagbabawal ng biyaya. 

"At nananatiling gayon, na hindi tagapakinig na lumilimot, kundi tagatupad na gumagawa." Ang mapagsiyasat na Cristiano ay nagsisiyasat hindi upang may maibigay na trivia sa iba kundi upang matupad ito. Hindi niya nililimot ang kaniyang napakinggan, isang bagay na hindi mailalarawan sa karamihan ng mga nagsisimba ngayon. Higit kalahati ng mga nagsisimba ngayon ay hindi maipapahayag ang pinakahuling sermong napakinggan. Sa halip na limutin, ang Cristianong ito ay pinagninilayan iyan upang kaniyang tuparin o isagawa ang hinihingi.

"Ay pagpapalain ang taong ito sa kaniyang ginagawa." Ang pagpapala ng Diyos ay dumarating hindi sa mga masipag na magsimba at makinig ng eksposisyon ng Salita kundi ang tumutupad nito. Maaaring alam mo ang Kasulatan, ngunit kung hindi mo ito isasagawa, wala kang makukuhang pagpapala mula rito. Ang pagpapala ay para sa mga nakikinig, hindi lumilimot kundi tumutupad ng Salita ng kalayaan. 

Nais mo bang pagpalain ng Diyos sa iyong pang-araw-araw na buhay? 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Nangungulila sa isang Ama