Paano Itayo ang Buhay sa Salita ng Diyos
Sa mga nakaraang araw nakita natin ang kahalagahan ng pagtayo ng buhay sa Salita ng Diyos at ang panganib ng pamumuhay sa sariling karunungan. Nakita natin kung paano ang Salita ng Diyos ay gabay sa pang-araw-araw na desisyon.
Ngunit paano ba tayo makapagtatayo ng ating buhay sa Salita ng Diyos?
Una, maglaan ng oras araw-araw – kahit kaunti, basta’t tuloy-tuloy. Marami ang nagsasabing wala silang oras o walang panahon. Ngunit ang totoo ay bawat isa sa atin ay may 24 oras. Sabihin nating 8 oras kang natutulog at 8 oras sa trabaho, may 8 oras kang pwedeng hatiin sa gawaing bahay, paglilibang at pag-aaral ng Salita. Ang oras na ating nilalaan sa pag-aaral ng Diyos ay nagpapakita ng prioridad sa ating buhay. Pinapakita nito ang ating scale of values o timbangan ng pagpapahalaga.
Mag-aral, huwag lang magbasa. Magtanong: Ano ang sinasabi nito? Ano ang kahulugan? Ano ang dapat kong gawin? Ang Salita ng Diyos ay sinulat na may historikal na konteksto at dapat sangguniin ito sa matagumpay na pagkaunawa. Ang lalim ng pag-aaral natin ay magreresulta sa lalim ng ating pagkaunawa.
Mag-memorize at magnilay – Hayaan mong lumalim sa puso ang Salita ng Diyos. Sabi ng salmista tinago niya ang Salita sa kaniyang puso. Ang puso ang koro ng isang tao, kung sino at ano siya kapag walang ibang nakakakita maliban sa Diyos. Kung ano ang nilalagay natin sa puso ang magdedetermina kung ano ang lalabas sa ating bibig at kokontrol sa ating kilos.
Isabuhay ang Salita. Ang kaalaman na walang pagsunod ay panlilinlang sa sarili (Santiago 1:22). Hindi mo kailangang maging iskolar ng Biblia upang maunawaang anumang hindi ginagamit ay kinakalawang o sa kaso ng kaalaman, naiwawala. Ang pangmatagalang solusyon sa retention ng Salita sa puso ay ang gamitin ito sa araw-araw na pamumuhay. Narereinforced ang kaalaman kung ito ay applied into practice.
Bilang pagwawakas, huwag hayaang gumuho ang iyong buhay dahil sa kapabayaan sa Salita ng Diyos. Itayo ang iyong buhay sa matibay at di-matitinag na katotohanan ng Kanyang Salita. Kapag dumating ang unos — at tiyak na darating ito — ikaw ay mananatiling matatag. Manatili sa Salita, o ikaw ay dudurugin ng problema ng buhay.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment