Nalalaman mo ba ito?

 


Santiago 1:19 Nalalaman ninyo ito, minamahal kong mga kapatid. Nguni't magmaliksi ang bawa't tao sa pakikinig, magmakupad sa pananalita, magmakupad sa pagkagalit.

"Nalalaman ninyo ito, minamahal kong mga kapatid."

Ano ang nalalaman ng mga Cristiano? Ang katotohanang ang pakikinig sa tukso ng masamang pita ay nagreresulta sa kasalanan at ito ay namumunga ng kamatayan. Ang katotohanang ang kalooban ng Diyos ay nagbubunga ng mga Cristiano nang sila ay makinig at sumampalataya sa Salita ng katotohanan. Sa bawat hakbang, sila ay laging nahaharap sa desisyon - makikinig sa tukso ng pita ng laman o pasasakop sa kalooban ng Diyos. 

Considering na ang mga Cristiano ay ipinanganak nang dahil sa kalooban ng Diyos, hindi ba dapat lang na kumilos sila sa kaloobang ito? 

"Nguni't magmaliksi ang bawa't tao sa pakikinig." Sa liwanag ng kaalamang ito, ano ang dapat gawin ng isang Cristianong nahaharap sa pagsubok? Una siya ay dapat maging maliksi sa pakikinig. Ang pananampalataya ay dumarating sa pakikinig ng Salita ng Diyos, Roma 10:17. Mas maraming Salita ng Diyos na umiikot sa ating diwa, mas lumalago ang ating pananampalataya. Ang pananampalatayang ito ang kailangan upang makahingi nang walang pag-aalinlangan mula sa Diyos ng karunungan upang maharap ang pagsubok sa buhay.

Ang malungkot ay mas maliksi tayong lumapit sa sanlibutan kaysa sa Diyos. Lumalapit tayo sa ating mga barkada, sa ating mga katrabaho, kahit kanino, huwag lang sa Diyos. 

"Magmakupad sa pananalita." Mahirap makarinig ng Salita ng Diyos kung laging nakabukas ang ating mga bibig. Subukan ninyong makinig sa isang Bible studies kung saan abala ka sa pakikipagkwentuhan at makikita ninyong mahirap makinig. Ganuon din mahirap makarinig kapag mas abala ka sa pagbuo ng isasagot (hindi ka makupad magsalita) kaysa umuwa sa kausap (hindi ka maliksing makinig). Kung tayo ay abala sa pagbuo ng sarili nating karunungan, hindi tayo matututo mula sa Diyos. Mapupuno tayo ng kapaitan at sisisihin pa natin ang Diyos. 

"Magmakupad sa pagkagalit." Dahil hindi natin gusto ang naririnig natin mula sa Salita, tayo ay nagagalit. Pakiramdam natin ay pinaparinigan tayo at tayo ay nagiging negatibo sa katotohanan. Maraming tao ang tinatakpan ang tainga sa katotohanan dahil galit sa naririnig. Inuuna ang emosyon sa halip na kalmadong alamin ang katotohanan. Mabilis maghusga (hindi makupad magsalita) kaysa umunawa (hindi maliksing makinig) dahil kontrolado ng emosyon (hindi makupad magalit).

May nakapansing ang aral na ito ay laban sa ating kalikasan. Madalas tayo ay madaling magalit, nagsasalita agad at hindi nakikinig sa rason. Ang dahilan ay kontrolado ng emosyon. 

Ang Cristianong hindi maliksi makinig, makupad magsalita o makupad sa pagkagalit ay walang aasahang estabilidad sa gitna ng mga pagsubok ng buhay. Hindi sila makasusumpong ng kapayapaan sa isipan. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Nangungulila sa isang Ama