Blessed and thankful
Kailan ka huling umupo sa gilid at taos-pusong nagpasalamat sa Diyos. Hopefully, sa araw na ito marami kang oportunidad para pasalamatan ang Diyos sa Kaniyang kabutihan at higit sa lahat sana ginamit mo ang bawat oportunidad na ito.
Sa mundong ang inisiip lamang ay paano maungusan ang iba at kung paano ma-maximize ang materyal na benepisyo, madalas na nalilimutan nating magpasalamat sa Diyos. Mas inuuna nating makipagbalyahan sa iba upang matamo ang inaakalang kasaganaan.
Naipagpasalamat mo ba sa Diyos na ikaw ay buhay ngayon? Maraming nagsisikap na mabuhay ngunit inabot na ng tamang oras ng kamatayan. Mayroong nagnanais pang mabuhay ngunit nang matulog ay hindi na gumising. Maraming ibibigay ang anumang mayroon siya, minsan pang masilayan ang kaniyang mahal sa buhay. Ang buhay na bigay ng Diyos ay oportunidad para sa atin upang maranasan ang biyaya at pagpapala ng Diyos.
Naipagpasalamat mo ba sa Kaniyang may kalayaan tayong sambahin Siya at makipagtipon kasama ng mga taong may kaparehong kaisipan? Maraming Cristiano sa buong mundo ang pinapaslang nang dahil sa kanilang pananampalataya. Mapalad tayong malaya tayong magmay-ari ng Biblia, pag-aralan ito at ibahagi ito sa iba. Mapalad tayong may kalayaan tayong sampalatayahan si Jesus nang hindi nagtatago o nangangamba para sa ating pisikal na kaligtasan.
Naipagpasalamat mo ba sa Diyos na mayroon kang pamilyang nagmamahal sa iyo? Naipagpasalamat mo ba ang iyong asawa, ang iyong mga anak, ang iyong mga apo, ang iyong mga manugang? Naipagpasalamat mo na ba na may kapitbahay kang nag-iingat sa iyong kabutihan? Naipagpasalamat mo bang may trabaho kang pinagkukunan mo upang mabuhay ang iyong pamilya nang marangal?
Kung mauupo tayo upang bilangin ang ating mga pagpapala, kulang ang buong maghapon upang bilangin ang mga ito. Marami lang sa atin ang pinatigas ng kapaitan ng buhay upang hindi mapahalagahan ang mga kaloob ng Diyos.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment