Ang tunay na kabanalan ay hindi seremonya


 

Santiago 1:27 Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan.

Paano ba ang Cristiano makapamumuhay nang may kabanalan sa gitna ng pagsubok? Nangangailangan itong maging tagapakinig at tagatupad ng Salita. Kung makikinig at tutuparin natin ang Salita, magkakaroon tayo ng espirituwal na metamorphosis na nagsisimula sa loob at nakikita sa labas. 

Ang malungkot ay hindi ganito ang kumon na palagay ng mga tao. Iniisip ng marami, kahit sa mga Cristianong dapat ay mas nakakaalam, na ang kabanalan ay makikita sa seremonya, sa rito at ritwal. Sa mata ng marami, ang banal ay ang nakasuot ng tamang damit, may dala ng tamang Bible at regular na nagsisimba. Mayroon pang iniisip na ang kabanalan ay masusumpungan lamang sa simbahan kaya halos gusto na lang araw-araw ay nasa loob ng kapilya.

May I make a suggestion? Kaya maraming taong nagnanais na laging nasa simbahan ay dahil walang Cristianismo sa kanilang bahay. Hindi nila naisasapamuhay ang mga turo ni Cristo sa kanilang bahay, sa halip na mamuhay sa biyaya ay puno ng paghatol at ang resulta ay kawalan ng domestikong katahimikan. Dahil hindi nila ito masumpungan sa bahay, hinahanap nila ito sa simbahan. Mas maraming araw na nasa simbahan, kaunting panahon sa bahay, ginagawang substitute ang simbahan sa demands ng Cristianong pamumuhay sa sariling bahay. 

Ang resulta: simba pag Linggo, simba pag Sabado, simba pag Myerkules, simba pag Hwebes, simba pag Lunes, simba sa umaga, simba sa hapon at simba sa gabi. Mas marami pang panahong nasa simbahan kaysa sa nasa bahay o nasa komunidad. Ito ay gaya ng nurse na mas madalas pa sa opisina kaysa sa aktuwal na field kung saan siya kailangan. 

This is religion, and not the religion na sinasabi ni Santiago. Ito ay modern religion, where performance replaces living. You perform for God rather than live God's truth. 

"Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito." Muli ang salitang relihiyon ay tumutukoy sa panlabas na demonstrasyon ng panloob na debosyon. Ang ating debosyon ay kay Cristo at ang tunay na relihiyon ay pinapakita ito sa panlabas na demonstrasyon, samakatuwid sa pang-araw-araw na pamumuhay. Hindi ito ang modernong relihiyon kung saan ang rito at programa ay pampalit sa pamumuhay nang may kabanalan. 

"Dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian." Bukod sa pagkontrol sa dila na binanggit sa v26, ang ikalawang ekspresyon ng kabanalan ay korporal na gawa ng awang pinakikita sa mga nasa laylayan ng simbahan. Gaya nang sasabihin ni Santiago sa kabanata 2, at ni Juan sa 1 Juan 3, ang magandang salita ay hindi pamalit sa gawa. Anong pakinabang ang sabihin sa kapatid na magpakabusog at magpainit kung hindi mo bibigyan ng pagkain at damit? Ang mga ulila at bao noong unang panahon ay walang DSWD o SSS na maaasahan, at madalas ay sadlak sa paghihirap. Ang pag-ibig Cristiano ay tumutugon sa nakikita nilang pangangailangan. 

"At pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan." Ang ikatlong tanda ng kabanalan o tunay na relihiyon (panlabas na demonstrasyon ng panloob na debosyon kay Cristo) ay ang personal na praktikal na kabanalan. Hindi niya hinahayaang dungisan (impluwensiyahan) siya ng sanlibutan. Ang pagnanasa ng mata, ng laman at ang kapalaluan ng buhay ay mga tuksong nagnanais ilayo ang Cristiano sa kaniyang debosyon kay Cristo. Ang nagnanais na maging banal ay iniiwasan ito. Iniingatan niya ang kaniyang sarili. Hindi ito nangangahulugang ikaw ay ermitanyo ngunit ang Salita ang mag-iingat sa iyo sa lakad palayo sa kasalanan, Awit 119:11, 105.

Maaaring pekeen ang kabanalan sa harap ng tao pero hindi sa Diyos. Maaari mong tambakan ang iyong sarili ng mga gawaing panrelihiyon at maaaring wala kang bukambibig kundi katuwiran, ngunit malibang ito ay makita hindi lamang sa salita, sa gawa at sa pamumuhay, ang iyong relihiyon ay walang kabuluhan, v26. Huwag ninyong hayaang bulagin kayo ng relihiyon. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)






Comments

Popular posts from this blog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Nangungulila sa isang Ama