Ang Panganib ng Pagpapabaya sa Salita

 


Mateo 7:26 At ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan:27 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak.

Ang tao ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo lamang, Ef 2:8-9; Gawa 16:31; Juan 3:16. Hindi niya kailangang pagtrabahuhan ang libreng ibinigay ng Diyos sa sinumang mananampalataya.

Pagkatapos niyang maligtas, siya ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang nakalulungkot na bagay ay marami ang naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya ngunit sinisikap na mabuhay sa pamamagitan ng legalismo. Ang mas malungkot ay may ginagamit ang eternal na seguridad bilang lisensiya sa kasalanan at namumuhay ng buhay na walang pagkakaiba sa hindi mananampalataya. Mababaw kung mayroon man ang kaniyang buhay bilang mananampalataya. 

Ang mababaw na pananampalataya ay madaling bumagsak sa gitna ng problema. Upang lumalim ang pananampalataya, kailangan nito ng sasampalatayahan. Ayon kay Pablo ang pananampalataya ay dumarating sa pamamagitan ng pakikinig ng Salita ng Diyos, Roma 10:17. Samakatuwid, mahalaga ang pag-aaral ng Biblia upang maunawaan ang kalooban ng Diyos at sampalatayahan ito. Hindi ito mapapalago sa pamamagitan ng pagsama sa mga ritong panrelihiyon o sa mga patay na gawa ng ritualismo. 

Kailangan nating makipagtipon kada Linggo (o kung anumang araw ng iyong korporeyt na pag-aaral ng Salita ng Diyos upang matuto ng doktrina mula sa pastor na sinanay sa tamang paghahati ng Kasulatan. 

Ngunit hindi sapat ang pananampalatayang nakikinig lamang tuwing Linggo. Kailangang i-apply ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Kailangang suplementahan ang mga ito ng personal na pag-aaral sa bahay. Iyan ang purpose ng mga magulang- ang maging una at pangunahing guro ng Salita ng Diyos sa kanilang pamilya. 

Kapag hindi mo alam ang Salita, madaling maniwala sa kasinungalingan — tungkol sa sarili, sa kapwa, at sa Diyos. Kapag may lumapit na huwad na gurong nag-aalok ng prosperidad kung aanib ka sa kanila, maaari kang madala at maligaw sa tuwid na daan. Mayroon kang panlabas na kabanalan ngunit patay sa loob.

Maaaring maganda ang bahay sa labas, ngunit kapag mahina ang pundasyon, tiyak ang pagbagsak kapag dumating ang unos. Ang tanging makatitibay sa Cristiano ay ang Salita ng Diyos na inaral at tinupad sa buhay. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Nangungulila sa isang Ama