Pero nagkakasala pa ako
Nitong nakaraang Mayo 15, 2025 nag-house-to-house evangelism at tracts distribution kami sa Gimaga. Sa aming paglibot, may nakausap kaming mga born again.
Nadiskubre naming ang mga born again na ito ay walang katiyakan ng buhay na walang hanggan.
Isa sa mga dahilang binibigay nila ay nagkakasala pa sila. I agree. Nagkakasala pa sila. Ako rin. At lahat ng Cristianong aking kilala. Wala pa akong nasalubong na Cristianong hindi nagkakasala, 1 Juan 1:8.
Ngunit ang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay hindi ang kakayahan nating hindi magkasala. Dahil kung ito ang kundisyon, walang taong maliligtas, Roma 3:23. Sa halip, dahil alam ng Diyos na hindi natin kayang takasan ang kapangyarihan at penalidad ng kasalanan, sinugo Niya ang Kaniyang bugtong na Anak na si Jesus upang mamatay at bayaran ang ating mga kasalanan, Juan 3:16; Roma 5:8; 1 Cor 12:3-4; 1 Juan 2:2.
Ang tanging kundisyon upang maipanganak na muli at magkaroon ng buhay na walang hanggan ay pananampalataya kay Cristo, Juan 3:16-18; 3:36; 5:24; 6:47; 11:25-27; Gawa 16:31; Ef 2:8-9. Sa sandaling tayo ay manampalataya, pinatawad ang ating mga kasalanan, kabilang na ang mga kasalanang ating gagawin pa dahil, come to think of it, lahat sila ay future pa nang mamatay si Cristo sa krus. In fact, hindi pa tayo pinanganak 2000 years ago, namatay Siya para sa atin.
Oo nagkakasala pa tayo kahit tayo ay mananampalataya na kay Cristo. Bahagi ang mga ito ng binayaran ni Cristo, 1 Juan 2:2. Ang solusyon sa mga Cristianong nagkakasala ay hindi ang manampalataya muli upang muling maligtas kundi ang magkumpisal ng kaniyang kasalanan sa Diyos, 1 Juan 1:9. Bilang mga anak ng Diyos, tayo ay Kaniyang didisiplinahin hanggang hindi tayo matutong bumalik sa Kaniya in confession, Heb 12. Hindi ba at ganiyan ang mabuting ama?
Isang ilustrasyon ay ang alibughang anak. Siya ay nagkasala at nalayo sa kaniyang ama. Sa metapora ng ama, siya ay patay. Ngunit kahit sa kaniyang pagkahiwalay, hindi nawala ang kaniyang pagkaanak. Anak siya nang siya ay nasa bahay, anak siya nang siya ay nasa malayong lupain at anak siya nang bumalik. Putol ang kanilang masayang pagsasama ngunit hindi nawala ang kanilang relasyon bilang mag-ama. Nang siya ay bumalik at magkumpisal sa kaniyang ama, saka lamang nabalik ang kanilang pagsasama.
Ganito rin ang Cristiano. Sa sandaling tayo ay magkasala, tayo ay walang pakikisama sa Diyos at nasa ilalim ng disiplina. Kung tayo ay magkumpisal sa Kaniya (hindi sa mga pari), tayo ay patatawarin at lilinisin sa ating mga pagkakasala at kabuktutan. Makalalakad muli tayo sa kaliwanagan.
Hindi nawawala ang ating kaligtasan pero nawawala ang ating fellowship sa Kaniya kapag tayo ay nagkakasala. Pero kumpisal ang nagbabalik ng fellowship sa Diyos.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment