Ngunit hindi ko ramdam na ako ay ligtas

 


1 Juan 3:20 Sapagka't kung hinahatulan tayo ng ating puso, ang Dios ay lalong dakila kay sa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay. 21 Mga minamahal, kung tayo'y hindi hinahatulan ng ating puso, ay may pagkakatiwala tayo sa Dios...

Nitong nakaraang Mayo 15, nag-house-to-house evangelism at tracts distribution kami sa Gimaga. May nakausap kaming mga born again. Mabilis naming natuklasang ang mga born again na ito ay walang katiyakan ng buhay na walang hanggan. 

Isa sa pagtutol na inalok ay hindi niya ramdam na siya ay ligtas. 

Ngunit ang buhay na walang hanggan (o kaligtasan) ay hindi nakabatay sa ating nararamdaman. Ang buhay na walang hanggan ay nakakundisyon sa pananampalataya kay Cristo lamang, Juan 3:16; Gawa 16:31. Hindi pinag-uusapan ang nararamdaman.

Maaaring malungkot ka at nanampalataya o masaya at nanampalataya. Anuman ang iyong nararamdaman, ang mahalaga ay nanampalataya ka. Ang pangako ni Jesus mismo ay ang nanampalataya (hindi ang may nararamdaman) ay may buhay na walang hanggan. 

Kung ang pakiramdam ay kailangan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, walang pag-asang maligtas ang mga paralisado o mga manhid. 

Ang nag-iisang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay pananampalataya kay Jesus. 

Ang ating nararamdaman ay hindi barometro ng ating espirituwal na kalagayan at buhay. Maraming salik na nakakaapekto sa ating nararamdaman gaya ng nutrisyon, stress sa trabaho at pamilya o kundisyong medikal. Kung aasa tayo sa nararamdaman, tayo ay tila nakasakay sa roller coaster at walang estabilidad sa buhay.

Ang 2x2 ay nananatiling 4 anuman ang iyong nararamdaman. Hindi mababago ng emosyon ang matematika. Ang mga espirituwal na katotohanan ng Biblia ay ganuon din. Ang nanampalataya ay may buhay na walang hanggan anuman ang iyong nararamdaman. Hindi mababago ng iyong nararamdaman ang katotohanan ng pangako ni Jesus. 

Ituon ang puso sa pangako ni Jesus at hindi sa ating nararamdaman. Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Nangungulila sa isang Ama