Ngunit hindi ko matalikuran ang aking relihiyon
Ang kundisyon ng kaligtasan ay hindi ang pagpasok o pag-iwan ng relihiyon. Ang nag-iisang kundisyon ay manampalataya kay Cristo at ang pangako ay hindi ka mapapahamak kundi mayroong buhay na walang hanggan.
Kung ang iyong relihiyon ay nagtuturo ng katotohanang ito at nagkaroon ka ng katiyakan ng buhay na walang hanggan at lumalago sa katotohanang ito, by all means manatili ka sa iyong relihiyon. Pagdating sa langit, ang basehan ay hindi ang iyong relihiyon kundi kung ikaw ay nanampalataya kay Cristo o hindi.
Ngunit kung ang iyong relihiyon ay hindi nagtuturo nito at kung ang iyong relihiyon ay humahadlang sa iyo upang manampalataya, huwag mong hayaang hadlangan ka ng relihiyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Nauunawaan kong ito ang relihiyon ng iyong mga magulang at ang pag-alis ay maaaring mangahulugan ng hindi pagkakasundo sa pamilya ngunit alalahaning pinaunahan na tayo ni Cristo- Siya ay dumating upang magdala ng pagkakahati. Ang mga mananampalataya ay itatakwil ng kanilang pamilyang hindi mananampalatayang. Hindi na ito bago at hindi ito dapat pagtakhan.
Alalahaning si Cristo ang namatay sa krus sa pagbayad ng iyong mga kasalanan. Hindi ang relihiyon ang namatay para sa iyo. Sa maraming pagkakataon, ang relihiyon pa ang pumapatay mapanatili lamang ang sarili sa kapangyarihan.
Namatay si Jesus upang palayain ka sa mga pabigat ng relihiyon, Mateo 23. Ang relihiyon ay abalang sakupin ang iyong pagkatao. Si Cristo ay namatay upang palayain ka at sa kalayaang iyan ay maglingkod sa Kaniya.
Huwag mong hayaang dalhin ka ng relihiyon sa kapahamakan. Kung nami-miss mo ang iyong mga karelihiyon, bakit hindi mo ibahagi ang mensahe ng buhay sa kanila. Sa ganitong paraan lahat kayo ay sama-sama sa kaluwalhatian. Malay mo ang iyong buong relihiyon ay "maligtas" mula sa paghahanap ng pansariling katuwiran patungo sa katuwirang binigay sa nanampalataya kay Cristo.
Bago pa mahuli ang lahat, manampalataya ka kay Cristo. Ang nanampalataya ay hindi mapapahiya.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment