Mabibili ba ang buhay na walang hanggan?

 


Nitong nakaraang Mayo 15, 2025 nag-house-to-house evangelism at tracts distribution kami sa Gimaga. Ito ay paraan upang bayaran ang utang na ibahagi ang evangelio sa lahat ng tao, starting siyempre from your own barangay.

This blog is probably weird dahil walang matinong tao ang aaming bibilhin nila ang kanilang kaligtasan. Hindi mo kailangang maging iskolar ng Biblia upang matantong ang Diyos ay hindi tao na pwedeng suhulan at hindi lahat ay kayang bilhin ng pera. 

Ngunit maraming tao, unconsciously, ang binibili ang kanilang kaligtasan. Nagbibigay sila ng abuloy sa paniniwalang ito ay pagbili ng indulhensiya. Ang nakalulungkot, dina-justify ito ng relihiyon bilang sukatan ng iyong dedikasyon sa Diyos. After all, kung ikaw ay talagang tapat, what is a few thousand pesos? 

Ngunit ito ang sabi ni Pedro:

1 Pedro 1:18 Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang.

Ang pokus dito ni Pedro ay ang katubusan o kaligtasan mula sa walang kabuluhang pamumuhay. Ngunit ito ay posible lamang para sa isang mananampalataya na kay Cristo. Samakatuwid kung ang iyong buhay ay hindi kayang tubusin ng ginto o pilak, mas lalong hindi mo kayang bayaran ang iyong mga kasalanan. Ang tanging kabayaran o pampalubag-loob na katanggap-tanggap sa Diyos ay si Jesus mismo, 1 Juan 2:2. 

Sa 1 Pedro, ang katubusan ng buhay mula sa kawalang kabuluhan na minana pa mula sa mga magulang (paalala sa mga nagsasabing sa relihiyon ako ipinanganak at dito na rin ako mamamatay), ay hindi sa pamamagitan ng ginto at pilak. Ang ganitong pagbabago ay posible lamang dahil sa nabuhos na dugo ni Cristo sa krus. Ang kamatayan Niya sa krus ang nagpalaya sa iyo sa penalidad ng kasalanan at ang pananampalataya sa Kaniya ang nagbigay ng buhay. Ang buhay na ito ay kailangang lumago at mapalaya mula sa impluwensiya ng walang kabuluhang pamumuhay ng ating mga magulang. 

Ang espirituwal na pagpapala ay hindi mabibili. Sinubukan ni Simon Mago at sinaway siya ni Pedro. Sinubukan ni Ananias at Safira na bilhin ang reputasyon at sila ay namatay. Isipin ninyo ang mangyayari sa nagnanais na bilhin ang buhay na walang hanggang. 

Ang tanging kundisyon upang magkaroon mg buhay na walang hanggan ay sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo lamang. Hindi mo mabibili ang buhay na walang hanggan. Ito ay isang simpleng regalong tatanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)





Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Nangungulila sa isang Ama