Kailangan ko bang magsimba Linggo-Linggo para magkaroon ng buhay na walang hanggan?
Direktang sagot: hindi.
Gusto kong magsimba kayo Linggo-Linggo. Ang regular na pakikipagtipon ay bahagi ng malusog na espirituwal na buhay. Matututo ka ng Salita ng Diyos sa iyong ikalalago at maibabahagi mo ang iyong espirituwal na kaloob sa ikatitibay ng iba.
Pero kung kaligtasan ang pag-uusapan, hindi ito ang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ni wala pa ngang simbahan sa Juan 3 kung saan masusumpungan ang pariralang ipanganak na muli. Kung walang simbahan sa Juan 3 at sinabi ni Jesus na kailangan mong ipanganak na muli upang makapasok sa kaharian ng langit o upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, hindi ito kailangan upang maligtas.
Kailangan mo ito upang lumago sa pagkilala kay Cristo, upang lumago sa biyaya ngunit hindi upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ang nag-iisang kundisyon upang ipanganak na muli o magkaroon ng buhay na walang hanggan ay manampalataya kay Jesus, Juan 3:16; 6:47; Gawa 16:31 at marami pang iba.
Ang Hebreo 10:24-25 ay nagtuturo ng kahalagahan ng pagtitipon pero pansining hindi upang magkaroon ng buhay na walang hanggan kundi upang palakasin ang loob ng bawat isa sa pag-ibig at mabubuting gawa.
Kahit magsimba ka pa Linggo-Linggo kung hindi ka manampalataya kay Jesus wala kang buhay na walang hanggan. Sa isang banda kung manampalataya ka kay Jesus dahil sa pagbasa mo ng blog na ito, mayroon kang buhay na walang hanggan, kahit hindi ka magsimba kahit minsan.
Siyempre, ini-encourage kong maging miyembro ka ng isang local church at magsimba upang lumago sa biyaya at kaalaman. Inaalok ko ang Partido Christian Bible Church sa Dahat bilang isang simbahang tapat at may mataas na pagpapahalaga sa Kasulatan. Ngunit diretso kong sasabihing hindi ka maliligtas ng pagsisimba. Ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Cristo, magsimba ka man o hindi.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment