Kailangan ko bang maglingkod upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?
Colosas 3:23 Anomang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao;24 Yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang ganting mana; sapagka't naglilingkod kayo sa Panginoong Jesucristo.25 Sapagka't ang gumagawa ng masama ay tatanggap ng ayon sa masama na kaniyang ginawa; at walang itinatanging mga tao.
Nitong nakaraang Mayo 15, 2025 nagsagawa kami ng house-to-house evangelism at tracts distribution sa Gimaga. May nakausap kaming mga born again. Ngunit nadiskubre kong wala silang katiyakan ng buhay na walang hanggan.
Sa isang bahay na aming napuntahan, matapos na malinaw na ipaliwanag ng aking kasama na kailangang manampalataya kay Cristo upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, sinabi ng aming kausap na kailangang maglingkod sa Diyos upang maligtas. Nang hingian siya ng paliwanag, malinaw na nanghahawak siya sa kaniyang sariling mga gawa upang maligtas. Ililigtas niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa.
Ngunit ang Kasulatan ay malinaw na ang buhay na walang hanggan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus lamang. Ayon kay Chafer, may 150 na sitas na nagpapakitang ang tanging kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay manampalataya kay Cristo. Narito ang ilan sa mga ito: Juan 1:12; Juan 3:16-18, 36; Juan 5:24; Juan 6:47; Juan 11:25-27; Roma 4:1-8; Gawa 16:30-31; Efeso 2:8-9; Tito 3:5 at marami pang iba.
Mahalaga ang paglilingkod hindi upang maligtas kundi upang ang mga dati nang ligtas ay maluwalhati ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Kailangan mo munang magkaroon ng buhay na walang hanggan; hindi makapaglilingkod nang nakalulugod sa Diyos ang mga patay espirituwal.
Kapag ligtas ka na, saka ka gagawa hindi upang manatiling ligtas o upang masiguro ang kaligtasan kundi bilang bahagi ng buhay espirituwal ng mga ligtas.
Sa Colosan 3 nagbigay si Pablo ng ilan sa mga praktikal na admonisyon sa mga dati ng ligtas. Nagbigay siya ng payo sa asawang lalaki, babae, mga anak at mga alipin. May naniniwalang ang v23-25 ay karugtong ng admonisyon sa mga alipin; may nagsasabing ito ay pangkalahatang admonisyon. Alin man sa dalawa, ang malinaw na katotohanan ay lahat tayo ay alipin ng Diyos at dapat maglingkod sa Kaniya.
"Anomang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao." Ito ang ating SOP, ankmang paglilingkod ay dapat na gawin nang buong puso, hindi sapilitan at hindi paimbabaw. Dapat tayong maglingkod na tila baga naglilingkod tayo sa Diyos at hindi sa mga tao.
"Yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang ganting mana; sapagka't naglilingkod kayo sa Panginoong Jesucristo." Ito ang insentibo- ang maglilingkod ay may gantimpala. Ang ayaw maglingkod ay mananatiling ligtas pero walang gantimpala. Minsan iniisip ng mga taong ang mga Cristiano ay pabaya sa paglilingkod dahil kung ligtas na bakit kailangan pang maglingkod? Hindi mo kailangang maglingkod upang maligtas o manatiling ligtas ngunit kailangan mong maglingkod upang magkaroon ng gantimpala, kabilang na ang mga putong at karapatang maghari kasama ni Cristo.
"Sapagka't ang gumagawa ng masama ay tatanggap ng ayon sa masama na kaniyang ginawa; at walang itinatanging mga tao." Ito ang pamantayan ng paglilingkod at gantimpala: ang gantimpala ay ayon sa paglilingkod. Ang maglingkod ng tapat ay tatanggap ng masaganang gantimpala; ang hindi ay walang matatanggap. Ito ay makatarungan sapagkat walang itinatangi o paboritismo.
Mahalaga ang paglilingkod kung ang pag-uusapan ay gantimpala. Hindi ito kailangan kung ang pag-uusapan ay kaligtasan sapagkat ang tanging paglilingkod na tatanggapin ng Diyos sa kaligtasan ay ang paglilingkod ni Cristo sa krus nang bayaran Niya ang ating mga kasalanan. Ang tanging dapat nating gawin ay manampalataya kay Cristo.
Kapag ligtas ka na, saka ka maglingkod. Ang tapat maglingkod ay tatanggap ng gantimpala.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment