Kailangan ko bang mabautismuhan upang ma-born again
Nitong nakaraang Mayo 15, 2025 nag-house-to-house evangelism at tracts distribution kami sa Gimaga. Maraming born again kaming nakausap na walang katiyakan ng buhay na walang hanggan.
Isa sa mga pagtutol nila sa mensaheng aming dala ay kailangan daw na mabautismuhan ang tao upang ma-born again.
Ngunit nang linawin ni Cristo kay Nicodemo kung paano ipanganak na muli, hindi Niya binanggit ang bautismo. Ang tanging sinabi Niya ay manampalataya sa Bugtong na Anak ng Diyos.
Kung ang bautismo ay kailangan upang ipanganak na muli, ito ang tamang panahon para banggitin ito lalo pa at sa bandang huli ng kapitulo kinuwento ni Juan Evangelista na nagseselos ang mga alagad ni Juan Bautista na mas marami ang nagpapabautismo kay Jesus (sa kamay ng mga alagad) kaysa kanila.
Si Cornelio sa Gawa 11 ay naligtas bago bautismuhan sa tubig. At wala kahit isang sitas na nagsasabing kailangan ang bautismo upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Mahalaga ang bautismo dahil ito ay pagsunod sa utos ni Cristo. Ito ay larawan ng nangyari nang ikaw ay manampalataya kay Cristo. Namatay ka sa kasalanan, at binangon sa bagong buhay dahil sa Krus, pero nilarawan lamang nito ang iyong natamo nang manampalataya kay Cristo. Kung hindi ka mabautismuhan, hindi nito maaalis ang katotohanang mayroon kang buhay na walang hanggan kung paanong hindi porke nalimutan mong mag-picture, hindi ka na nakadalo sa birthday.
Sa Gawa 2:38, ang isyu ay ang pananampalataya ng mga Judio kay Cristo. Ang mga Judio ay nasa ilalim ng disiplina ng Diyos na babagsak sa AD 70. Ang mananampalatayang magpabautismo ay maliligtas mula sa kapahamakang darating sa "henerasyong iyan." Kung hindi magpapabautismo ang mananampalatayang Judio, sila ay may buhay na walang hanggan ngunit madadamay sa disiplinang babagsak sa unbelieving Israel (ito ang kasalanang walang kapatawaran ng Mateo 12).
Hindi kailangan ang bautismo sa tubig upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ang tulisan sa krus ay hindi nabautismuhan ngunit may garantiya siya sa Paraiso dahil sa kaniyang pananampalataya.
Mahalaga ang bautismo, hindi upang maligtas, kundi bilang bahagi ng pagsunod ng isang disipulo.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment