Kabutihan bilang Bunga ng Espiritu
Ang "kabutihan" ay isa sa mga bunga ng Espiritu Santo, ayon sa Galatia 5:22–23:
"Ngunit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili." (Galatia 5:22-23)
Ngunit ano ba ang "kabutihan" sa kontekstong ito?
Sa pananaw ng Bibliya at teolohiya, ang kabutihan ay higit pa sa simpleng mabuting asal — ito ay bunga ng pusong nagnanais na gawin ang tama sa paningin ng Diyos at mamuhay na kapaki-pakinabang sa kapwa. Kasama rito ang:
1. Moral na integridad: Ang pamumuhay nang tapat, matuwid, at may katapatan. Hindi masasabing mabuti ang taong namumuhay nang imoral gaano man siya kabait.
2. Pagiging mapagbigay: Ang pagbibigay nang bukal sa puso at walang hinihintay na kapalit. Ang kabutihan ng tao ay naghahanap ng visible na paraan upang tugunan ang nakikitang pangangailangan at kakulangan.
3. Habag: Ang taos-pusong malasakit sa kapakanan ng iba. Ang kabutihan ay naaawa sa mga kapatid na may pangangailangan.
4. Kabanalan: Ang pagiging nakatalaga para sa layunin ng Diyos at pagninilay ng Kanyang likas na katangian. Ang Diyos ang ultimate na Mabuti at ang kabutihan ay ang alignment ng ating buhay sa Diyos.
Bagama’t magkaugnay, ang kabutihan ay nakatuon sa matuwid na ugali at moral na pamumuhay, habang ang kagandahang-loob ay higit sa pagiging magiliw at matulungin. Ang kabutihan ay ang paggawa ng tama, kahit mahirap o hindi popular.
Si Jesus ang sukdulang halimbawa ng kabutihan. Ang Kanyang mga gawa — pagpapagaling, pagtuturo ng katotohanan, at paglaban sa kasamaan — ay galing sa isang pusong dalisay.
Si Bernabe, sa Gawa 11:24, ay inilalarawan bilang "isang mabuting tao, puspos ng Espiritu Santo at pananampalataya."
Ang Mabuting Samaritano (Lucas 10:25–37) ay nagpakita ng kabutihan sa pagtulong sa isang taong hindi niya kilala.
Upang mapagyaman ang kabutihan sa araw-araw, manatiling nakakapit sa Salita ng Diyos at panalangin; humingi ng patnubay ng Banal na Espiritu; maging tapat sa lahat ng bagay — sa lihim man o sa harap ng tao; at sa huli piliing gumawa ng tama, hindi lamang kung ano ang madali.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment