FabCon Theology
Matatakpan ng Fabcon ang amoy ng damit pero hindi matatakpan ng relihiyon ang ating mga kasalanan.
Nitong Mayo 23, 2025 muli akong gumawa ng fabcon. Umorder ako sa Shoppee mg DIY kit. This is not for business but for personal consumption. Masyado na rin kasing mahal kung laging bibili sa tindahan lalo at madalas kaming maglaba.
Ang purpose ng fabcon ay magbigay ng karagdagang bango sa bagong labang damit. In essence tinatakpan nito kung anumang hindi mabangong amoy ng damit, lalo kung hindi natuyo agad sa init ng araw. Nakakadagdag confidence ang pagsusuot ng damit na hindi lamang malinis tingnan kundi mabango rin.
Magandang idea ito. Mabango ka na, mabango pa ang iyong damit.
Ngunit gaano man kabango ang iyong damit, hindi nito matatakpan ang alingasaw na dala ng ating mga kasalanan. Yes, lahat tayo ay makasalanan at hiwalay sa kaluwalhatian ng Diyos, Roma 3:23. Ang kasalanang ito ay may dalang kamatayan at kung mamatay kang walang pananampalataya, ito ay magtutuloy sa espirituwal na kamatayan sa Lawa ng Apoy (Roma 6:23; Pah 20:11-15).
Ngunit sa dakilang pag-ibig ng Diyos at ni Cristo (Juan 3:16; Roma 5:8; Ef 5:2), sinugo Niya ang Kaniyang bugtong na Anak upang mamatay sa krus bilang kabayaran ng ating mga kasalanan (1 Cor 15:3-4; 1 Juan 2:2; 1 Ped 2:24). Namatay Siya upang ang kasalanan ay hindi maging hadlang sa tao upang makalapit sa Diyos. Walang taong makapagsasabing siya ay makasalanan at hindi tatanggapin ng Diyos. Totoong siya ay makasalanan at totoong sa kaniyang sarili ay hindi siya tatanggapin ng Diyos. Ngunit sa mga nanampalataya kay Cristo, ang Diyos ay bukas kamay na tatanggap sa sinuman upang Kaniyang maging anak (Juan 14:6; 1 Ped 3:11).
Ang tanging kundisyon upang mapakinabangan ang kamatayan ni Cristo ay ang manampalataya kay Cristo.
Juan 3:16 Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ang nag-iisang kundisyon upang magkakaroon ng buhay na walang hanggan ay ang manampalataya kay Cristo para rito (Juan 3:1-; 5:24; 6:47; Gawa 16:31; Ef 2:8-9; Tito 3:5; atbp). Hindi sinabing kailangan mong maging miyembro ng isang relihiyon, mag-abuloy o gumawa ng mabuti hanggang kamatayan. Lahat ng mga ito ay maganda sa kanilang tamang lugar, ngunit ang mga ito ay hindi makapagbibigay ng buhay na walang hanggan.
Ang pag-asa sa gawa upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay katulad ng taong hindi naglaba ng damit ngunit nagbabad lang sa fabcon. Anumang bangong bigay ng fabcon ay pansamantala. Matatakpan nito ang amoy pero hindi makapagbibigay ng kalinisan. Ganuon din naman, ang umaasa sa kaniyang kabutihan at sa kaniyang relihiyon ay hindi malilinis ang kaniyang sarili mula sa kaniyang mga kasalanan at anumang "bango" ay pansamantala at pantao. Hindi ito katanggap-tanggap sa Diyos (Is 64:6; Tito 3:5). Ang tanging katanggap-tanggap sa Diyos ay ang gawa ni Cristo sa krus at ang tanging kalooban at gawang hinihingi ng Ama sa tao ay manampalataya (Juan 6:29, 40).
Ang tanging kundisyon upang maligtas o magkaroon ng buhay na walang hanggan ay ang manampalataya kay Cristo para rito.
Direktang tanong:
Gawa 16:30 At sila'y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?
Direktang sagot:
31 At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan.
Ang sinumang sumampalataya ay may buhay na walang hanggan. Si Cristo ang nangako hindi ang tao at Kaniyang tinutupad ang Kaniyang pangako. Siya ang napako sa krus upang ang Kaniyang pangako ay huwag mapako- ang sinumang manampalataya ay may buhay na walang hanggan.
Bilang huling pananalita:
Juan 11:25 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya;
26 At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man. SINASAMPALATAYANAN MO BAGA ITO?
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment