Ang Bunga ng Espiritu ay katuwaan
Galatia 5:22 Datapuwa't ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat,
Ang pagkakaroon ng Espiritu ay hindi masusukat sa kung gaano ka kadalas magsimba, ilang Biblia ang iyong pag-aari at kung gaano ka kahaba magdasal. Kahit ang mga hindi mananampalataya ay ginagawa ang mga ito. Sa halip isang epektibong sukatan kung ang Espiritu ay nasa iyo o kung ito ay kumikilos ay ang development ng karakter ni Cristo, ang tinatawag na bunga ng Espiritu.
Ang pagtutuunan natin ng pansin ngayon ay katuwaan.
Sa mundo ang katuwaan ay nasusukat sa pag-aari, pagkilala o akomplisimiyento. Sa Biblia ang Biblikal na katuwaan ay bunga ng Espiritu Santo.
Una sa lahat, ang katuwaang ito ay bunga ng Espiritu, hindi ng laman, Roma 15:13. Totoo ang laman ay nagbibigay din ng kasiyahan, ngunit ito ay pansamantala at walang malalim na kahulugan. Ito ang dahilan kung bakit pinili ni Moises ang pagdurusa kasama ng bayan ng Diyos kaysa lumilipas na kasiyahan ng kasalanan. Ang nais ni Moises ay ang eternal at permanenteng kasiyahan at kung ikaw ay marunong, ito rin ang iyong nanaisin.
Ikalawa, ang dibinong katuwaan ay nakasalig sa relasyon at hindi sa sirkumstansiya, Juan 15:11. Ang ating relasyon kay Cristo ang pinagmumulan ng tunay na kasiyahan. Ang kasiyahan ng sanlibutan ay hindi makapapatid ng ating paghahanap ng signipikansiya. Habang tayo ay namumuhay, nakatanim sa ating kaisahan kay Cristo, tayo ay may potensiyal sa nagpapatuloy at lumalalim na kasiyahan.
Ikatlo, ang dibinong kasiyahan ang ating lakas sa gitna ng mga pagsubok at problema, Nehemias 8:10. Ang taong may kasiyahan sa Diyos ay mahaharap ang anumang bagay dahil alam niyang hindi siya nag-iisa. Isipin ninyo ang isang OFW na nagtatrabaho araw at gabi dahil sa kasiyahang makapadala ng salapi sa kaniyang nangangailangang pamilya. Gaano man siya kapagod, nagpapatuloy siya dahil sa kasiyahang dulot ng kaniyang ginagawa. Ganuon din ang kasiyahang dulot ng Espiritu ang nagbibigay sa atin ng lakas upang magpatuloy.
Panghuli, ang kasiyahan ay napapalago kung tayo ay mananatili sa Salita ng Diyos at kapangyarihan ng Espiritu. Iyan ang punto ng Galatia. Paano magkakaroon ng kasiyahan? Manatiling nakaugat sa biyaya at layuan ang legalismo. Ang biyaya ang polisiya ng Diyos sa pagbibigay ng kasiyahan sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng mga benepisyong dulot ng kamatayan ni Cristo. Mas maraming Salita ng Diyos na ating tinatago sa puso, mas malaki ang kapasidad sa kasiyahan. Paanong hindi ka masisiyahan ng katiyakan ng kaligtasan, ng katiyakang hindi ka mag-isa at katiyakang hindi ka mahihiwalay sa pag-ibig ni Cristo? Kahit ang pinakamayamang tao ay nagnanais ng mga bagay na ito, mga bagay na hindi mabibili ng salapi.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment