Ang bunga ng Espiritu ay kapayapaan

 


There was a time na kung gusto mong manalo sa mga beauty pageants, sa Q and A kapag tinanong ka kung ano ang kailangan ng mundo, ang tamang sagot ay world peace. Ngayon, karamihan sa mga pageant contestants ay advocates ng mental health. Noon at ngayon, ang tao ay naghahanap ng kapayapaan. 

Unfortunately, they are looking at all the wrong places. Karamihan ay naghahanap ng panlabas na kapayapaan o kawalan ng visible conflicts. Ngunit ang tunay na kapayapaan ay higit pa sa kawalan ng visible conflicts. I am sure makapagbibigay kayo ng mga taong tahimik tingnan ngunit sa loob ay kumukulo sa poot at galit. Hindi ko masasabing payapa ang taong iyan. 

Ang tunay na kapayapaan ay hindi ang panlabas na kawalan ng gulo kundi ang pananahan ng Diyos sa ating mga buhay. 

Ang kapayapaan ay galing sa Diyos, hindi sa sanlibutan. Sabi sa Juan 14:27 ang kapayapaan ay galing kay Jesus at ito ay Kaniyang pag-aari, "Ang Aking kapayapaan." Sinumang hiwalay kay Cristo ay hindi makararanas ng tunay na kapayapaan. 

Ang tunay kapayapaan ay resulta ng pakikipagkasundo sa Diyos, Roma 5:1. Ang biyaya ang saligan ng tunay na kapayapaan. Kung walang biyaya sa iyong buhay, malabong magkaroon ka ng kapayapaan. Ang krus ang nagbibigay ng tunay na kapayapaan. 

Walang kapayapaan kung ang puso ay puno ng pag-aalala, Fil 4:6-7. Ang kapayapaan ng Diyos ang nagbabantay (isang garison sa ating kaluluwa) sa ating mga isipan. Kung mamumuhay tayo nang ayon sa ating kakayahan, hindi tayo mapapayapa dahil maraming bagay na nagdudulot ng kaguluhan at pag-alala sa buhay. Ang taong tiniwala ang lahat sa Diyos ay makararanas ng tunay na kapayapaan.

Kung hahayaan natin ang Espiritung magdala ng kapayapaan sa ating mga buhay, ito ang magiging basehan para magkaroon ng kapayapaan sa ibang tao, Roma 12:18. Isa sa mga dahilan kung bakit ang tao ay walang kapayapaan sa iba ay dahil wala silang kapayapaan sa Diyos (Roma 5:1). Ang taong mapayapa sa Diyos ay makapagbibigay ng kapayapaan sa ibang tao. Ang taong nakita mong may sama ng loob sa iba, iyan ay ang taong hindi matahimik sa kaniyang relasyon sa Diyos. 

Ang kapayapaan ay mapapanatili kung ang ating isipan ay laging nakatuon sa Diyos, Is 26:3. Kung tayo ay laging nakatingin sa tao, hindi tayo makararanas ng kapayapaan. Kung sa sanlibutan tayo naghahanap ng kapayapaan, hindi natin ito masusumpungan. Ang tunay na kapayapaan ay nasa Diyos at kung ang ating isipan ay puno ng Diyos, magkakaroon tayo ng kapayapaan sa ating mga buhay. Hindi tayo magnanasang makipagkumpitensiya o magsimula ng sigalot sa ating kapwa. 

Lahat ng ito ay posible kung tayo ay lalakad sa Espiritu. Kung hahayaan nating kumilos ang Espiritu sa ating mga buhay, mabubuo ang karakter ni Cristo, ang tunay na bunga ng Espiritu. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)





Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Nangungulila sa isang Ama

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION