Upang Iligtas sa Kasalukuyang Masamang Sanlibutan
Galatia 1:4 Na siyang nagbigay sa kaniyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo'y mailigtas dito sa kasalukuyang masamang sanglibutan, ayon sa kalooban ng ating Dios at Ama:
Kapag nababanggit ang kamatayan ni Cristo at ang dala nitong kaligtasan, laging naiisip ng mga tao ay kaligtasan mula sa impiyerno o kaya ay kaligtasan mula sa kasalanan. Totoong nagdala ng kaligtasan mula sa impiyerno at kasalanan ang kamatayan ni Cristo- ang sinumang sumampalataya ay hindi kailan man mapapahamak sa impiyerno. Ngunit hindi lamang ito ang kaligtasang dala Niya.
Kahapon nakita natin ang future oriented na kaligtasan sa 1 Pedro 1:3. Tingnan naman natin ngayon ang kaligtasan mula sa Galatia 1:4.
Gaya nang madalas kong ma-blog nitong mga nakaraang araw, ang epistula ng Galatia ay sinulat upang itama ang maling turo ng mga Judaiser na kailangan ang Kautusan upang maligtas o upang mapanatili ito; na kailangan ang Kautusan para sa posisyunal at praktikal na kabanalan. Gaya nang madalas nating itanyag, sabi ni Pablo, ito ay ibang evangelio; ang biyayang nagligtas sa atin ang nagpapanatili sa ating ligtas at siyang nagpapabanal sa atin sa pang-araw-araw na pamumuhay. Hindi nito kailangan ng suplementasyon mula sa Kautusan.
"Na siyang nagbigay sa kaniyang sarili." Sa salutasyon ni Pablo, bumati siya ng biyaya at kapayapaan para sa mga kapatid sa Galatia. Ang biyaya at kapayapaang ito ay nag-uugat mula sa Ama at kay Cristo. Sa v4, si Cristo ay binanggit na nagbigay ng Kaniyang sarili. Ang pagbibigay na ito ay naganap sa krus nang Siya ay mamatay para sa ating mga kasalanan, 1 Corinto 15:3.
"Dahil sa ating mga kasalanan." Madalas dito natatapos ang pagkaunawa ng mga Cristiano. Namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan. Sa halip na tayo ang magbayad, Siya ang nagbayad. Kung tayo ay manampalataya sa Kaniya, mayroon tayong buhay na walang hanggan.
Lahat ng ito ay totoo. Ngunit hindi ito ang kabuuan ng Kaniyang ginawa. Mayroon pang aspeto ang Kaniyang kamatayan na madalas ay hindi binibigyang pansin o kaya ay misinterpreted.
"Upang tayo'y mailigtas dito sa kasalukuyang masamang sanglibutan." Ano ang misinterpretation? Hindi lamang tayo niligtas mula sa penalidad ng kasalanan kundi namatay Siya upang iligtas tayo sa kasalukuyang masamang sanlibutan. Ang sanlibutan ay AION o panahon. Samakatuwid ang Kaniyang kamatayan ay may layong iligtas tayo mula sa masamang kapanahunan. Bakit masama ang kapanahunan? Dahil ang ating panahon ay impluwensiyado ng diyos ng sanlibutan/panahon, ang prinsipe ng kapangyarihan ng hangin (si Satanas iyan kung hindi ninyo kilala).
Ang sanlibutan at panahon natin ay hindi panahong pabuti nang pabuti kundi pasama nang pasama. Maaaring gumagand ang teknolohiya at dumarami ang ating mga karapatan at kaalaman ngunit ang mga pag-unlad na ito ay may layong magbigay-pugay sa nilalang sa halip na Maylalang. Sinisikap ng sanlibutang ito na itindig ang Milenyo hiwalay sa Diyos. Sinisikap ng sanlibutang magbigay ng kaligtasan hiwalay kay Cristo. At ayon kay Pablo, ito ay masama.
Sa sandaling ang Cristiano ay magpalagay na kailangan niyang dagdagan ang ginawa ni Cristo sa krus, impluwensiyado siya ng masamang kapanahunang ito. Ito ang problema ng mga taga-Galatia na nag-aakalang hindi sapat ang kamatayan ni Cristo sa krus kaya kailangang dagdagan ng Kautusan. Ito ang problema ngayon sa mga relihiyonistang hindi nasasapatan sa biyaya.
Ang nakalulungkot ay hindi awtomatiko ang kaligtasang ito. Ang mood ng v4 ay nagpapakitang ito ay posibilidad. May mga Cristianong lubos na yayakap sa biyaya at makararanas ng kaligtasan mula sa masamang panahong ito; ngunit maraming Cristianong hindi makasusumpong nito dahil sila ay yayakap sa legalismo. Huwag kayong magpagayuma o magpakulam. Huwag kayong bumalik sa pagkaalipin ng Kautusan ngayong tayo ay pinalaya na mula rito. Sa halip na alipin ng Kautusan, tayo ay mamuhay nang may kalayaan sa pag-ibig. Ito ay kaligtasan mula sa masamang sanlibutan/panahon.
"Ayon sa kalooban ng ating Dios at Ama." Ang kaligtasang ito ay kalooban ng Ama. Hindi Niya kaloobang tayo ay mamuhay sa legalismo. Mamuhay sa biyaya. Magpokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment