Proud Kuripot

 


Kuripot akong tao. Alam yan ng mga tao sa aking paligid. Alam na alam iyan ng aking mga kalungga. Ako lang yata sa lungga namin ang hindi nagre-recess. Basta may gasolina ako at may packed lunch, ang 20 pesos sa aking wallet ay tatagal kahit isang buwan. 

Simple lang ang aking pangangailangan. Basta may protein, okey na (lol!). Ang mga libangan ko ay simple rin. Mahilig akong magbasa ng libro and if you know where to look, you can download for free. Mahilig din akong mag-exercise at sa tamang program ang isa o dalawang dumbbells ay kayang i-workout ang buong katawan. Mahilig ako sa halaman but by this time, tumigil na akong mamili. 

Samakatuwid, basta may laman ang aking tiyan at may libangan ako, solve na. Wala sa aking appeal ang pagkakaroon ng maraming pera kung katumbas naman nito ay pag-aalala at kawalan ng oras sa mga bagay na mahalaga (yung tipong gigising ka ng maaga at uuwi ng gabi para magpayaman at sa gabi hindi ka makatulog nang mahimbing dahil baka pasukin ng magnanakaw). No, thank you, I don't need that. What I need is the services that money can buy and not all of these are for sale. 

Subalit, gaano man ako kakuripot, may mga bagay na bukas ang aking palad. Una sa lahat ay anumang bagay na may kinalaman sa simbahan na sa tingin ko ay may paroroonan, bukas kami diyan. Kapag sa tingin ko nonsense, ginawa lang just for the sake na may ginawa, walang suporta sa akin iyan. Hindi ako madadaan sa guilt gimmick. Anumang bagay na makatutulong upang mapalaganap ang evangelio at makatulong sa pagpapatibay ng mga banal, handa akong gumastos. 

Ang pagpapaklase sa mga bata ay isa pang area na handa akong gumastos. Hanggang makakaya, igagapang kong makatapos ang aking mga anak. 

Ang filial duty is another one. Gaano man kami kakapos, hindi namin hinahayaang makapigil ito upang tulungan ang aming magulang. 

Gumagastos din ako sa hobby. Dati sa mga halaman. Ngayon sa mga gym equipments. Binubuo ko ang aking home gym bagama't sa ngayon dahil tight ang pera (may magkokolehiyo na ako), puro DIY tires na lang muna o repurposed na mga old gym. Sabi ko nga, if you have know how (at ang daming reels at videos sa socmed), maaari kang magkaroon ng good workout without or with limited equipments. 

Isa pang willing akong gumastos ay anumang makapagpapatibay sa relasyon sa pamilya. Willing akong magtuyo at magsardinas ng ilang araw may maihanda lamang sa mahahalagang okasyon ng pamilya - birthdays, honors, anniversaries, Christmases, New Year eves, etc. Ang rason ko ay ang pera ay nauutang pero ang memories na nalikha sa mga ito ay tumatagal. Long after maubos ang pera, ang alaalang nilikha ng mga ito ay pinagkukuwentuhan pa rin. 

Gusto kong i-date ang aking mga anak. Gusto kong i-date ang aking misis, yung kami lang. Gusto kong i-treat sila sa vacation out of town (hanggang ngayon drawing lang) o sa swimming (ito at least nangyayari). Gusto kong lumikha ng memories kasama sila. Darating ang panahon, magkaklase sila o magtatrabaho o magpapamilya sa malayo at kaming mag-asawa ay maiiwan sa bahay, scroll-scroll lang ng photos at videos. 

Ginawa ko itong blog dahil baka may mag-isip na mayaman kami dahil may mga posts akong kumakain sa labas. Bihira lang. Nadalas lang nitong mga buwan dahil sa graduation, birthdays and anniversaries. Pero hindi ito ang regular naming buhay. Most of the time, gulay at itlog lang kami (dahil protein lol). 

Maikli lang ang buhay at ang oras kapag dumaan na ay hindi na maibabalik. We choose to record as many moments as we can in our memories and our gadgets. In the future, kapag hindi na kami makalakad o makalabas, we can relive these moments vicariously via photos and videos.

Ikaw, kapag naupo ka at nagmuni ng iyong buhay, anong alaala ang pumapasok sa iyong isipan? 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Nangungulila sa isang Ama