Preaching to the choir
Masayang maglaro ng ML pero ang isang nakakadismaya rito ay ang level ng trash talking sa parte ng ibang manlalaro. Palibhasa protektado ng katotohanang hindi nila kaharap ang inaalimura, lipana sa laro ang mga salitang hindi mo mababanggit kung kaharap mo ang kausap. Sabi nga ng isang boksingero, "Social media made y'all way too comfortable with disrespecting people and not getting punched in the face for it." I am sure mas magiging mabait ang mga tao kung ang kaharap nila ay malakas manuntok.
Unfortunately ganito rin ang nangyayari sa mga simbahan natin. Ang ating mga ministro ay guilty ng trash talking behind the pulpit. Malakas ang loob na mamuna ng ibang relihiyon palibhasa hindi nila kaharap. Malakas ang loob na mangaral laban sa ibang relihiyon dahil ang kaniyang kaharap ay mga miyembrong dati nang naniniwala sa kaniyang sinasabi. Hindi niya kayang humarap sa mga taong hindi kapanalig, sa isang uncontrolled environment, kung saan maaari kang masuntok sa maling pananalita. Maniniwala ako sa tapang at paninindigan ng ministro kung magagawa niyang sabihin ang kaniyang pagpuna sa harap ng mga taong kaniyang pinupuna. Dobleng paghanga kung magawa niya ito nang walang kasama.
Hindi ako naghahanap ng away. Ngunit kung hindi ka willing na makipagharapan sa isang diskusyon dahil ito ay magdadala lang ng pagtatalo, wala ka ring karapatang siraan ang mga relihiyong hindi kayang ipagtanggol ang sarili at makapagbibigay ng sagot dahil wala sila roon. Punahin mo ang ibang relihiyon pero handa ka ring sagutin ang kanilang pagtutol. Otherwise you're preaching to the choir.
Kung uubusin mo ang oras ng Bible studies sa pagpuna sa iba sa halip na eksposisyon ng Kasulatan, mas maigi sigurong mag-rally ka sa harap ng relihiyong iyong tinutuligsa upang direkta nilang malaman ang iyong pagtutol at makasagot sila sa iyong mga tinataas na isyu. Pero ang magmatapang ka sa harap ng iyong mga miyembro na laging aayon sa iyong opinyon, iyan ay hindi bahagi ng handang magturo at sumagot sa nga tutol, Tito 1:9.
Tinuligsa ni Jesus ang mga Fariseo, Saduceo, eskriba at kung sino-sino pa nang harapan at sa publiko. Hindi Siya matapang sa pribado pero tameme sa publiko. Nakipagtalo si Pablo sa mga Stoiko at Epicureano nang harapan at sa publiko, Gawa 17:18. Hindi siya nagtago sa palda ng kaniyang mga tagasunod. Kahit sa gitna ng kaguluhan sa Efeso (Gawa 19:30) nais niyang harapin ang kaniyang mga kaaway. Ipinagbawalan lang siya ng mga alagad.
Sa mundo ng martial arts ang husay ng artes ay makikita sa kompetisyon o sa isang sparring. Tawag dito ay pressure testing. Hindi mo masasabing ang teknik ay epektibo malibang gamitin mo sa tunay na laban. Ganuon din sa isyung espirituwal. Kung gusto mong ubusin ang iyong oras sa pagkritika ng iba, puntahan mo sila, harapan mong ituro ang kanilang mali at sagutin ang kanilang pagtutol. Otherwise, mas maiging ubusin mo na lang ang iyong oras, lakas at atensiyon sa pagturo sa iyong mga tupa.
Maaari nating i-rephrase ang sinabi ni Mike Tyson:
"Preaching to the choir made y'all ministers way too comfortable with disrespecting other religions and not getting punched in the face for it."
As usual, maging mapanuri. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. Manatiling nakapokus sa biyaya.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
.jpeg)

Comments
Post a Comment