Kanino binigay ang Sampung Utos
Isa sa hindi namin pinagkakasunduan ng aking kausap na Reformed Adventists ay kung kanino binigay ang Sampung Utos. Pinipilit niyang ito ay nakasasakop sa mga Cristiano ngayon. Naninindigan akong ito ay nakasasakop lamang sa mga Israelita at hindi mga Gentil, at kahit sa mga Israelita si Cristo ang katapusan ng katuwiran ng Kautusan para sa mga nanampalataya. Tingnan natin ang ebidensiya.
"At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Dinggin mo, Oh Israel, ang mga palatuntunan at mga kahatulan na aking sinalita sa inyong mga pakinig sa araw na ito, upang matutunan ninyo sila, at ingatan at isagawa sila." Direktang binanggit dito na ang mga PALATUNTUNAN at KAHATULAN ay para sa buong Israel. Hindi ito ibinigay sa mga Filipino. Hindi ito ibinigay sa mga Cristiano. Hindi ito ibinigay sa mga Adventists o sa mga Bible Christians.
"Ang Panginoong ating Dios ay nakipagtipan sa atin sa Horeb." Ang tanging bansang nakipagtipan ang Diyos ay sa bansang Israel. Hindi ang Diyos nakipagtipan sa Pilipinas, sa America o sa Roma.
"Hindi pinagtibay ng Panginoon ang tipang ito sa ating mga magulang, kundi sa atin, sa atin ngang nangariritong lahat na buhay sa araw na ito." Kahit ang mga patriarka ay hindi sakop ng tipang ito. Ang tipang ito ay para lamang sa mga buhay na nakatayo sa Sinai/Horeb at sa kanilang mga anak at salinlahi. Walang Kautusang nalalaman si Abraham, si Isaac, is Jacob o sa Dose.
"Sinalita ng Panginoon sa inyo ng mukhaan sa bundok mula sa gitna ng apoy." Malibang nakinig ka nang harapan sa salita ng Panginoon, hindi ka kasama sa tipang ito.
"(Ako'y tumayo sa pagitan ng Panginoon at ninyo nang panahong yaon, upang ipatalastas sa inyo ang salita ng Panginoon: sapagka't kayo'y natatakot dahil sa apoy, at hindi kayo sumampa sa bundok;) na sinasabi..." Tanging mga sumampa sa paanan ng bundok (hindi sila makaakyat sa takot) ang sakop ng Kautusan. Si Moises ang tagapamagitan nila dahil takot silang marinig ang boses ng Diyos. Kahit ngayon takot ang taong marinig ang boses ng Diyos kaya nagbibingi-bingihan sa malinaw na sabi ng Kasulatan.
"Ako ang Panginoon mong Dios na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin." Ang bansang nilabas ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Egipto ay ang Israel. Ito ang pakilala ng Diyos sa mismong unang utos. Lahat ng natitirang utos ay para lamang sa bansang itong inari ng Diyos.
Malinaw sa Kasulatan na tanging Israel ang nasasakop ng Kautusan. Kaya ang mga Gentil ay tinawag na walang Kautusan. Ang mga Judiong nanampalataya ay hindi na rin sakop ng Kautusan. Ang mga mananampalataya, mapa-Gentil o mapa-Judio, ay parehong wala sa Kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya. Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
.jpeg)

Comments
Post a Comment