Ipinanganak sa buhay na pag-asa
Nang tayo ay manampalataya sa Panginoong Jesus, tayo ay naligtas. Ang kaligtasan ay maaari mong isipin bilang isang package na maraming laman. Bahagi ng kaligtasan ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan, ang pagiging matuwid, ang pagiging banal (positionally), ang kapatawaran ng mga kasalanan at marami pang iba. Si R. B. Thieme, Jr ay may nilistang 40 na divine assets na tinanggap ng mananampalataya sa sandaling siya ay manampalataya. Si H. W. Hastings III ay may 65 divine works of grace at may hawak akong dokumento na may 215 benefits of the cross.
Sa 1 Pedro 1:3, nalista ang isa sa mga benepisyong ito. Taliwas sa tinuro ng ilan na ito ay patungkol sa kapanganakan upang maging anak ng Diyos, ang buhay na pag-asa ay walang kinalaman sa pag-asa na magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sa sandaling manampalataya ka kay Cristo, ang buhay na walang hanggan ay isang present possession; hindi mo na kailangang umasa na tanggapin ito in the future.
"Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo." Una ay ang papuri. Ito ay EULOGETOS, "to speak well." Ang papuri sa Diyos ay hindi ang paulit-ulit na pagsabing "Papuri" kundi ang pagpuri sa Diyos dahil sa Kaniyang ginawa. Dito pinuri ni Pedro ang Ama dahil sa awa ng Diyos na nagbigay benepisyo sa mananampalataya.
"Na ayon sa kaniyang malaking awa." Ang mananampalataya (sa konteksto ay mananampalatayang Judio, pero totoo rin ito sa mga Gentil), ay hindi naligtas dahil sa kaniyang kabutihan o potensiyal. Siya ay naligtas dahil ang Diyos ay maawain. Bahagi ng "salvation package" ang kapanganakang muli.
"Ay ipinanganak na muli tayo." Ang una nating kapanganakan ay sa laman sa ating mga magulang at ang ikalawa ay sa espirituwal nang tayo ay manampalataya. Nang tayo ay ipanganak, tayo ay naging bahagi ng pamilya ng Diyos, tayo ay naging anak ng Diyos, Juan 1:12. Ngunit hindi ito ang empasis ng kapanganakang ito.
"Sa isang buhay na pagasa." Ipinanganak tayong muli, hindi lamang upang maging anak ng Diyos (iyan ay in the past, at moment of faith) kundi may future orientation din ang ating kapanganakan. Ipinanganak tayong muli sa isang buhay na pag-asa. Ang pag-asa ay tumitingin sa hinaharap. Hindi ito patungkol sa pag-asa ng buhay na walang hanggan dahil hindi natin iyan inaasahan, iyan ay ating pangkasalukuyang realidad. Sa aklat ng 1 Pedro, ang emphasis ay nasa future salvation- sa pagtanggap ng mana o rewards na binibigay sa mga Cristianong sinubok ang pananampalataya. Ito ang kaligtasan ng kaluluwa na sinasabi ni Pedro. Hindi lamang ligtas ang ating espiritu at may katiyakan ng pagpasok sa langit; kung tayo ay makatiis sa mga pagsubok ng pananampalataya, tayo ay maaari ring magtamo ng kaligtasan ng buhay at maghari sa Kaharian. Ang buhay na pag-asa ay hindi ang pagpasok sa Kaharian (iyan ay guaranteed - minimum benefit) kundi ang paghahari sa Kaharian na para lamang sa mga overcomers. Ito ay pag-asa dahil ito ay mahahayag pa sa hinaharap. Lahat ng Cristiano ay maaaring matamo ito kung mamumuhay siya nang may katapatan sa Diyos. Ipinanganak siyang muli para magkaroon ng potensiyal na benepisyong ito.
"Sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay..." Ito ay naging posible dahil si Cristo ay bumangon muli sa mga patay. Kung hindi bumangon muli si Cristo, nangangahulugan itong hindi tinanggap ng Diyos ang Kaniyang kamatayan para sa ating mga kasalanan. Ngunit dahil Siya ay bumangon muli, naging posible ang espirituwal na kaligtasan at posible rin ang maghari sa Kaharian. Kung wala ang resureksiyon, wala tayo ng buhay na pag-asang maging mga hari at reyna sa Kaharian.
Ang tanong ay nanampalataya ka na ba kay Cristo para sa buhay na walang hanggan? Kung hindi pa, wala ka ng potensiyal na ito; ni wala ka ng buhay na walang hanggan. Lalong wala ka ng buhay na pag-asa. Manampalataya ka ngayon kay Cristo para sa buhay na walang hanggan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment