Ipinako sa Krus

 


Colosas 2:14 Na pinawi ang usapang nasusulat sa mga PALATUNTUNAN laban sa atin, na hindi naayon sa atin: at ito'y kaniyang inalis, na ipinako sa krus.

Ang kamatayan ni Cristo sa krus ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan. Sa krus, namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan (1 Corinto 15:1-4), sa krus Siya ang naging pampalubag-loob sa ating mga kasalanan (1 Juan 2:2), sa krus winasak Niya ang kapangyarihan ng diablo (Hebreo 2:14), sa krus pinako Niya ang ating lumang pagkatao (Roma 6:6) at sa krus din pinako ang mga PALATUNTUNAN laban sa atin (Col 2:14). 

Sa krus ang mga PALATUNTUNAN laban sa atin ay ipinako sa krus. Ano ba ang mga palatuntunan? Sa konteksto ng Colosas 2, ito ay tumutukoy sa

16 Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath:

17 Na isang anino ng mga bagay na magsisidating: nguni't ang katawan ay kay Cristo.

20 Kung kayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo mula sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, bakit, na waring kayo'y nangabubuhay pa sa sanglibutan, kayo'y nangapasasakop sa mga palatuntunan,

21 Gaya ng: Huwag dumampot, ni huwag lumasap, ni huwag humipo;

22 (Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao?


Ayon na nga sa nakausap naming Reformed Adventists, ang mga PALATUNTUNAN ay ang mga "ceremonial" laws. Ang mga isyu ng pagkain, pag-inom, kapistahan, atbp. And I agree. 

Ngunit alam ninyo kung ano pa ang mga PALATUNTUNANG ipinako sa krus? 

Deuteronomio 5:1 At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Dinggin mo, Oh Israel, ang mga palatuntunan at mga kahatulan na aking sinalita sa inyong mga pakinig sa araw na ito, upang matutunan ninyo sila, at ingatan at isagawa sila.

2 Ang Panginoong ating Dios ay nakipagtipan sa atin sa Horeb.

3 Hindi pinagtibay ng Panginoon ang tipang ito sa ating mga magulang, kundi sa atin, sa atin ngang nangariritong lahat na buhay sa araw na ito.

4 Sinalita ng Panginoon sa inyo ng mukhaan sa bundok mula sa gitna ng apoy

5 (Ako'y tumayo sa pagitan ng Panginoon at ninyo nang panahong yaon, upang ipatalastas sa inyo ang salita ng Panginoon: sapagka't kayo'y natatakot dahil sa apoy, at hindi kayo sumampa sa bundok;) na sinasabi,

6 Ako ang Panginoon mong Dios na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.

Ayon sa Deuteronomio 5, ang Sampung Utos ay mga PALATUNTUNAN din. Samakatuwid kasama ito sa ipinako sa krus. Ang "Sampung Utos" at ang "ceremonial laws" ay bahagi ng nag-iisang Kautusan ng Diyos o Kautusan ni Moises (tingnan ang blog ko dito). Ang Kautusan ni Moises ay Kautusan ng Diyos dahil sa Diyos nagmula ang anumang utos na sinulat ni Moises! Hindi niya ito kathang isip lamang!

Ang mga Gentil ay hindi binigyan ng Sampung Utos. Malinaw sa Deuteronomio 5 na may isang partikular na grupo ng tao ng binigyan nito sa Bundok ng Horeb/Sinai. Ni hindi nga ito ibinigay sa kanilang mga magulang. Ang mga magulang, ang mga patriarka, ay namuhay nang may pagtatagumpay (Hebreo 11) nang walang alam sa Kautusan. Namuhay lamang sila sa liwanag ng kanilang konsekwensiya (Roma 2:12-16) at sa kaso ng mga patriarka, sa rebelasyong binibigay sa kanila (dahil sa kanilang panahon, nakakausap nila ang Diyos). 

Ang mga Judio ang binigyan ng Kautusan, hindi ang mga Gentil. Sila ay nasa ilalim ng Kautusan, ang mga Gentil ay wala sa ilalim ng Kautusan. Ngunit nang mamatay si Cristo sa krus, ang mga PALATUNTUNAN ng Kautusan, kasama ang Sampung Utos (Deuteronomio 5:1ss) ay ipinakong kasama Niya sa krus. Si Cristo ang katapusan ng katuwiran sa mga mananampalatayang Judio kay Cristo. Wala na siya sa ilalim nito. Sa halip siya ay nasa ilalim ng biyaya (Roma 6:15). Ang mga Gentil na walang Kautusan ay diretso sa ilalim ng biyaya (Roma 5:1). Dahil dito nasumpungan ang mga mananampalatayang Judio at mananampalatayang Gentil pareho sa biyaya. Kaya kay Cristo, walang pagkakaiba ang mga Gentil at Judio. Lahat sila ay iisa kay Cristo. 

Ito ay mabuting balita. Kay Cristo mayroon tayong ganap na kalayaan. Manindigan tayo sa kalayaang ito at huwag tayong magpasakop muli sa pamatok ng pagkaalipin ng mga PALATUNTUNANG laban sa atin. Ipinako na iyan sa krus. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Nangungulila sa isang Ama