Hindi napapatid na madali
Ecclesiastes 4:9 Dalawa ay maigi kay sa isa; sapagka't sila'y may mabuting kagantihan sa kanilang gawa.10 Sapagka't kung sila'y mabuwal, ibabangon ng isa ang kaniyang kasama; nguni't sa aba niya, na nagiisa pagka siya'y nabuwal, at walang iba na magbangon sa kaniya.11 Muli, kung ang dalawa ay mahigang magkasama, may init nga sila: nguni't paanong makapagpapainit ang isa na nagiisa?12 At kung ang isang tao ay manaig laban sa kaniya na nagiisa, ang dalawa ay makalalaban sa kaniya; at ang panaling tatlong ikid ay hindi napapatid na madali.
Sa Ecclesiastes, sinulat ni Solomon ang kaniyang karanasan nang siya ay hiwalay sa Panginoon. Nasumpungan niyang ang pamumuhay nang hiwalay sa Panginoon ay walang kabuluhan. Nasa kaniya na ang lahat - pera, kayamanan, babae, alak- ngunit sa huli nasumpungan niyang walang kabuluhan ang mamuhay sa ilalim ng araw. Ito ay paghahabol sa hangin.
Ganuon pa man, kahit sa kabila ng kawalang kabuluhan ng buhay, mayroon pa rin siyang nasumpungang kasiyahan:
Ecclesiastes 9:9 Ikaw ay mabuhay na masaya na kalakip ng asawa na iyong iniibig sa lahat ng mga kaarawan ng buhay ng iyong walang kabuluhan, na kaniyang ibinigay sa iyo sa ilalim ng araw, lahat ng mga kaarawan ng iyong walang kabuluhan: sapagka't iyan ang iyong bahagi sa buhay, at sa iyong gawa na iyong ginagawa sa ilalim ng araw.
Dinesenyo ng Diyos ang pag-aasawa at kahit ang isang hindi mananampalataya o mananampalatayang hiwalay sa Diyos ay makapamumuhay nang masaya kalakip ng asawang iniibig. Ito ay bahagi (o mana) ng tao sa buhay, gaano man ito kawalang kabuluhan.
Sa kabanata 4 lalo na, pinagdiinan ni Solomon ang kawalang kabuluhan ng buhay na masagana sa materyal na bagay ngunit walang sinumang mababahagian. Aanuhin mo ang kayamanan at tagumpay kung pag-uwi mo sa bahay, ikaw ay nag-iisa at walang kasama sa buhay? Para kanino ka bumabangon? Para kanino ang iyong pagpapagal?
Kumpara sa isang taong may kasama sa buhay.
"Dalawa ay maigi kay sa isa; sapagka't sila'y may mabuting kagantihan sa kanilang gawa." Hindi mo kailangang maging iskolar ng Biblia para matantong mas maraming magagawa ang dalawang magkatuwang kaysa iisa lamang. Totoo ito sa kahit anong aspeto ng buhay. Sa ministri, mas maraming magagawa ang dalawang manggagawang magkatuwang kaysa isang nagmamagaling. Sa trabaho, mas maraming magagawa ang dalawang magkatulong sa pag-abot ng quota kaysa nag-iisa. At sa pagbuo at pagpapalaki ng pamilya, kailangan ng isang lalaki ang makasasamang babae. Sa mga susunod na sitas, magbibigay si Solomon ng ilang praktikal na halimbawa ng katotohanang ito.
"Sapagka't kung sila'y mabuwal, ibabangon ng isa ang kaniyang kasama; nguni't sa aba niya, na nagiisa pagka siya'y nabuwal, at walang iba na magbangon sa kaniya." May katuwang siya upang bumangon sa pagkadapa.
"Muli, kung ang dalawa ay mahigang magkasama, may init nga sila: nguni't paanong makapagpapainit ang isa na nagiisa?" Makapagbabahagian sila ng init sa bawat isa kapag malamig ang panahon.
"At kung ang isang tao ay manaig laban sa kaniya na nagiisa, ang dalawa ay makalalaban sa kaniya; at ang panaling tatlong ikid ay hindi napapatid na madali." Malaking tulong din ito sa pagtatanggol laban sa masamang tao at dagdag na tibay sa lubid.
Ang punto ng mga halimbawa ay ang pag-iisa ay hindi maganda. Diyos na mismo ang nagsabi niyan sa Genesis. Hindi dinesenyo ang taong mamuhay na mag-isa kundi ang lumago sa gitna ng isang komunidad. Totoo iyan sa pag-aasawa. Totoo iyan sa simbahan. Totoo iyan sa maraming ugnayang pantao.
"Ang panaling tatlong ikid ay hindi napapatid na madali." Ang huling sugnay ay may karagdagang signipikansiya sa buhay mag-asawa. Matibay ang lubig na may tatlong ikid. Matibay ang pag-aasawa kung may tatlong persona sa relasyon- ang asawang lalaki, ang asawang babae at ang Diyos na nagpapabanal sa kanilang relasyon. Ang relasyon ay tumatatag kapag ang Diyos ang sentro nito. Kung ang babae at lalaki ay namumuhay lamang para sa kanilang sarili, siguradong mahuhubad ang buhol ng kanilang buhay mag-asawa. Ngunit kung sila ay namumuhay para sa Diyos, anong tibay ng kanilang relasyon.
Bakit ito ang napili kong paksang i-blog? Sapagkat ngayon ang ika-18 anibersaryo ng aming kasala. Ang 18 taong iyon ay pinaghalong saya at lungkot, tamis at pait, ng kasaganaan at kasalatan. Ngunit ang 18 taong ito ay 18 sa pinakamakabuluhang taon ng aking buhay. Second only to the day I believe in Jesus for eternal life, ang desisyon kung pakasalan si Lerna Israel Nieto, ang pinakatamang desisyong nagawa ko sa buhay.
Happy 18th anniversary loving.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment