Happy 18th (Porcelain) Wedding Anniversary Mrs. Lerna I. Nieto

 


Happy 18th (Porcelain) Wedding Anniversary loving. Imagine mo, 18 years na tayong mag-asawa. Hindi perpekto pero patuloy na nagpupunyagi. 

18 taon ang nakalipas, tinali ko ang aking kapalaran sa iyong kapalaran. 18 years ago, nangako akong ikaw lamang at walang iba. 18 years ago, nanawagan ako sa Diyos na saksihan ang pag-iisang tadyang ng aking GUNI, ng aking ISHAH pabalik sa akin.

Ang 18 taong ito ay pinaghalong saya at lungkot, tamis at pait, tagumpay at kabiguan, at kasaganaan at kasalatan. Ngunit ito rin ang 18 taon sa pinakamakabuluhang taon ng aking mga buhay. Nagpapasalamat ako sa Ama sa oportunidad na mabuhay nang 18 taong kasama ka. 

Sa ika-18 taong ng ating anibersaryo, sa halip na magbigay ng mga sikreto ng ating pagsasama (hint: ito ay lubid na may tatlong ikid: tayo at ang Diyos na sentro at nagpapala ng ating relasyon) gaya ng ginaw ko noong nakaraang taon, gusto kong gamitin ang blog na ito para magpasalamat sa Ama. 

Salamat Ama sa pagbibigay kay Lerna bilang aking GUNI, right woman. Alam kong hindi popular ang doktrinang ito sa marami, ngunit ako ay kumbinsidong siya ang babaeng hinanda Mo para sa akin. Siya ang aking tadyang na bubuo sa aking pagkatao. Salamat sa oportunidad na binigay Mo upang makaisa ko ang tadyang na ito. Hindi man kagandahan ng aming simula, bigyan Mo nawa kami ng magandang katapusang magkasama. Pagpalain Mo higit ang aming relasyon. Patatagin Mo ito hanggang sa sandaling ipikit Mo ang aking mga mata. 

Salamat Ama sa pagpala sa aming pagsasama ng dalawang supling. Malalaki na sila at salamat sa biyaya Mo upang sila ay lumaki. Napakabata pa namin ng kami ay magkaanak, in many senses, we are kids ourselves, but by the grace of God, bumubuo kami ng pamilyang sasalamin sa Iyong pag-ibig sa amin. Salamat sa mga anak na ito. Humihingi ako sa Iyo ng mas maraming biyaya upang ang magandang nasimulan ng pagpapalaki sa kanila ay matapos hanggang sa huli, hindi lamang sa intensiyon kundi sa gawa. 

Salamat Ama na malulusog kaming lahat at natutugunan ang aming mga pangangailangan. Salamat na may trabahong sumusuporta sa aming pangangailangan, salamat sa simbahang aming komunidad ng pananampalataya, salamat at naging bahagi ako ng isang pamilya na may takot sa Diyos. Salamat Ama na sa rami ng mga posibleng pamilyang aking mapasukan, binigay Mo ang pamilyang nakakaunawa ng biyaya at pananampalataya. Nawa bigyan Mo kami ng karagdagang biyaya upang mapagyaman ang pamilyang ito. Maraming hinaharap na pagsubok ang pamilya sa lahat ng dako. Ikaw ang sapat na solusyon sa lahat ng mga ito. 

Ama salamat sa lahat ng kabutihan Mo. Sabi nga ng salmista, kung ito ay sasabihing lahat, hindi ko mabibilang sa dami. Salamat Ama sa lahat ng mga ito. 

Ama, humihiling akong patuloy Mo kaming gabayan. Bilang mga tao, natutukso kaming lumakad ayon sa sarili naming kagustuhan, sa halip na ayon sa Iyong Salita. Marahan Mo kaming paalalahanan at ibalik sa Iyo. Ang Iyong Salita ang maging pamalong gagabay sa aming mga lakad. Ang iyong tungkod ang mag-aliw sa amin at magdala sa amin sa Iyong Plano sa aming mga buhay. 

Iyong pahigain kami sa sariwang pastulan: Patnubayan Ninyo kami sa siping ng mga tubig na pahingahan. Papagnauliin Mo ang aming kaluluwa: patnubayan Mo kami sa mga landas ng katuwiran alangalang sa Iyong pangalan. Bagama't kami ay lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, bigyan Mo kami ng tapang na huwag matakot sa kasamaan sapagkat Ikaw ay sumasa amin. Ang Iyong pamalo at ang Iyong tungkod ang magsialiw sa amin. Iyong pinaghahandaan kami ng dulang sa harap ko sa harapan ng aming mga kaaway: Iyong pinahiran ang aking ulo ng langis; ang aking saro ay inaapawan. Salamat Amang Pastol sa Iyong pangangalaga sa nakaraang 18 taon ng aming pagsasama. 

Sa huli, gaya ni David, aking masasabi, "Tunay na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay: at ako'y tatahan sa bahay ng Panginoon magpakailan man." Amen.

Salamat po Ama sa 18 taon ng biyaya at katapatan. Bigyan mo pa kami ng marami pang 18 na taon. Ipikit Mo ang aking mata na dilat sa Iyong kabutihan. Maran Atha Panginoong Jesus. Purihin ka Ama sa Iyong kabutihan. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Nangungulila sa isang Ama

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION