Ginayuma
Galatia 3:1 Oh mga mangmang na taga Galacia, sino ang mga nagsigayuma sa inyo, na sa harapan ng inyong mga mata'y si Jesucristo, na napako sa krus, ay maliwanag na inihayag?2 Ito lamang ang ibig kong maalaman sa inyo, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig ng tungkol sa pananampalataya?3 Napakamangmang na baga kayo? kayong nagpasimula sa Espiritu, ngayo'y nangagpapakasakdal kayo sa laman?4 Tiniis baga ninyong walang kabuluhan ang lubhang maraming mga bagay? kung tunay na walang kabuluhan.5 Siya na nagbibigay nga sa inyo ng Espiritu, at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo, ginagawa baga sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pakikinig ng tungkol sa pananampalataya?6 Gaya nga ni Abraham na sumampalataya sa Dios, at ito'y ibinilang sa kaniya na katuwiran.7 Talastasin nga ninyo na ang mga sa pananampalataya, ang mga yaon ay mga anak ni Abraham.
Sa Galatia, pinangaral ni Pablo ang evangelio ng biyaya. Ngunit sa loob ng anim na buwan ng kaniyang paglisan, dumating ang mga Judaiser sa layong ilayo ang mga taga-Galatia sa tunay na biyaya ng Diyos. Itinuro nilang kailangan ang Kautusan upang maligtas. Itinuro rin nilang kailangan nila ang Kautusan upang maging banal. Inilalayo nila ang mga taga-Galatia sa libre at malayang biyaya ng Diyos upang sila ay ipailalim sa pamatok ng pagkaalipin ng Kautusan.
Hindi makapaniwala si Pablo. Sa kaniyang paningin, ito ay isang uri ng pangungulam, isang uri ng gayuma. At hindi siya nagsayang ng oras upang itama ito. Ang Epistula sa Galatia ang naglalaman ng kaniyang isipan sa panganib na dulot ng Kautusan sa espirituwal na buhay ng mga mananampalataya.
"Oh mga mangmang na taga Galacia, sino ang mga nagsigayuma sa inyo, na sa harapan ng inyong mga mata'y si Jesucristo, na napako sa krus, ay maliwanag na inihayag?" Ayon kay Pablo, mangmang ang sinumang nagpapasakop sa Kautusan samantalang harapang ipinangaral sa kanila ang napakong Jesucristo. Ito ay isang uri ng gayuma o kulam dahil ang Kautusan ang nagpako kay Cristo at mas pinipili nila ito kaysa kay Cristo! Malinaw na pinangaral sa kanila ni Pablo ang biyaya, ngayon sila ay kakampi ng mga laban dito.
"Ito lamang ang ibig kong maalaman sa inyo, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig ng tungkol sa pananampalataya?" Nagbigay siya ng mga serye ng tanong upang alugin ang isipan ng mga taga-Galatia. Baka sa pamamagitan ng mga tanong na ito makalaya sila sa hipnosis ng gayuma ng legalismo. Ang tamang sagot ay tinanggap nila ang Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya, Gal 3:26 cf 4:6.
"Napakamangmang na baga kayo? kayong nagpasimula sa Espiritu, ngayo'y nangagpapakasakdal kayo sa laman?" Para kay Pablo ang pagpapasakop sa Kautusan ay pagpapailalim sa laman, Gal 5:18-21. Ito ay isang kamangmangan.
"Tiniis baga ninyong walang kabuluhan ang lubhang maraming mga bagay? kung tunay na walang kabuluhan." Dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo, sila ay nakaranas ng pag-uusig, tingnan ang diskurso sa Galatia 4 kung saan ang anak ng alipin ay umuusig sa anak ng pangako. Nasayang lang ba ang kanilang pagtiis kung sa huli kakampi sila sa kanilang mang-uusig?
"Siya na nagbibigay nga sa inyo ng Espiritu, at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo, ginagawa baga sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pakikinig ng tungkol sa pananampalataya?" Ang tamang sagot ayon na rin kay Pablo ay sa pamamagitan ng pananampalataya gaya ng sinabi niya sa v6-7.
"Gaya nga ni Abraham na sumampalataya sa Dios, at ito'y ibinilang sa kaniya na katuwiran." Upang ipakita na ang tamang sagot ay sa pamamagitan ng pananampalataya, sinipi niya ang Gen 15:6 tungkol sa pag-aaring matuwid kay Abraham na nabuhay 430 taon bago ang Kautusan.
"Talastasin nga ninyo na ang mga sa pananampalataya, ang mga yaon ay mga anak ni Abraham." Kung si Abraham ay inaring matuwid bago ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya, ang mga mananampalataya ay inaring ganap din hiwalay sa Kautusan. Sila ang mga tunay na espirituwal na anak ni Abraham. Sa susunod na kabanata, ang mga nasa ilalim ng Kautusan ay hinalintulad sa bastardong anak ng alipin.
Mga Cristiano manindigan tayo sa katotohanan ng biyaya. Huwag nating hayaang ibalik tayo ng mga huwad na guro pabalik sa Kautusan. Maging mapanuri. Huwag ninyong hayaan ang mga huwad na gurong nakawin ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. Manatiling nakapokus sa biyaya.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
.jpeg)

Comments
Post a Comment