Dinidisiplina Ko Ang Aking Katawan
1 Corinto 9:25 At ang bawa't tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay. Ginagawa nga nila ito upang magsipagtamo ng isang putong na may pagkasira; nguni't tayo'y niyaong walang pagkasira.26 Ako nga'y tumatakbo sa ganitong paraan, na hindi gaya ng nagsasapalaran; sa ganito rin ako'y sumusuntok, na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin:27 Nguni't hinahampas ko ang aking katawan, at aking sinusupil: baka sakaling sa anomang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ay ako rin ay itakuwil.
1 Timoteo 4:8 Sapagka't sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, nguni't ang kabanalang sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan, na may pangako sa buhay na ito, at sa darating.
Mahilig ako sa ehersisyo. Naglalakad kami ni misis araw-araw, nagwe-weight training ako, nagka-calisthenics at nagboboksing. Umiinom ako mg creatine at whey para gumanda ang performance at magdagdag ng lean muscle mass. Nagmomobility training at stretches para makagalaw nang mas maigi. Lahat ito ay upang makakilos nang mas maigi.
Pero ang katotohanan, wala sa mga ito ang garantiyang ang aking katawan ay hindi magkakasakit o mamamatay.
Dahil dito sinabi ni Pablong ang pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang. Anumang pakinabang nito ay temporal at walang spiritual eternal value.
Ngunit bukod sa daily physical training, ako rin ay may daily spiritual training. Nagbabasa at nag-aaral ako ng Biblia. Nananalangin. Sumusulat ng blogs kung saan ako ay nagmumuni sa mga espirituwal na paksa. Nagbabasa at nagse-share ng mga Christian books. Nakikipag-fellowship sa kapwa Cristiano, both online and offline. Nakikipagbaka ako sa kasalanan araw-araw. Bagama't madalas ako ay mahulog (lalo na sa pagkagalit dahil aminado akong may anger issues), ito ay aking kinukumpisal at sinisikap na tuparin ang mga aral ng Biblia na aking nababasa.
Bakit? Sapagkat sabi ni Pablo, ito ay may pakinabang sa buhay na ito at higit sa lahat sa buhay na darating.
Sa 1 Corinto 9:25-27, nagbigay si Pablo ng halimbawa mula sa mundo ng laro. Sinumang atleta ay kailangang magsanay at maglaro nang ayon sa palatuntunan. Kailangan niyang supilin ang kaniyang katawan at pasunurin ito dahil kung hindi siya ay madidiskwalipika sa paglalaro. Ganuon sa espirituwal na buhay. Tayo ay manlalaro sa karera ng buhay at kung tayo ay mamumuhay nang ayon sa turo ng Biblia, tayo ay maaaring magtamo ng mga gantimpala sa Bema. Kung hindi, dahil mas pinili natin ang layaw ng laman, hindi mawawala ang ating kaligtasan, pero madidiskwalipika tayo sa mga gantimpala ng Bema.
Mga Cristiano, mahalaga ang physical training pero mas mahalaga ang spiritual training. Be physically fit. But more importantly, be spiritually fit.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment