Christian Freedom , Part 2

 


Roma 14:5 May nagmamahal sa isang araw ng higit kay sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip.6 Ang nagmamahal sa araw, ay minamahal ito sa Panginoon; at ang kumakain, ay kumakain sa Panginoon, sapagka't siya'y nagpapasalamat sa Dios; at ang hindi kumakain, ay hindi kumakain sa Panginoon, at nagpapasalamat sa Dios.7 Sapagka't ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili.8 Sapagka't kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo'y nangamamatay: kaya't sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo'y sa Panginoon.9 Sapagka't dahil dito ay namatay si Cristo at nabuhay na maguli, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay.10 Datapuwa't ikaw, bakit humahatol ka sa iyong kapatid? at ikaw naman, bakit pinawalaang halaga mo ang iyong kapatid? sapagka't tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios.

Ituloy natin ang blog.

"May nagmamahal sa isang araw ng higit kay sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip." May mga Cristianong nangingilin ng isang partikular na araw. Pumapasok sa aking isipan ang mga Sabadista na sumasamba (namamahinga raw) kapag Sabado (Friday 6pm to Saturday 6pm). Igalang natin sila. Karamihan sa atin ay sumasamba kapag Linggo dahil ito ang araw na madalas ay walang pasok sa eskwela o trabaho. Ang iba ay sumasamba sa ibang araw. Personally, naniniwala akong kahit anong araw ay maaaring sumamba sa Diyos. Igalang natin ang bawat isa. 

"Ang nagmamahal sa araw, ay minamahal ito sa Panginoon; at ang kumakain, ay kumakain sa Panginoon, sapagka't siya'y nagpapasalamat sa Dios; at ang hindi kumakain, ay hindi kumakain sa Panginoon, at nagpapasalamat sa Dios." Ang paggalang sa pagkain at pangilin ng araw ay dapat igalang dahil ito ay resulta ng pagmamahal at pagpapasalamat sa Diyos. Masama lang ang pagkain kung hindi ito pinasalamatan o ang pangilin ng araw kung ito ay hindi dahil sa pag-ibig kundi dahil sa relihiyon o legalismo. 

"Sapagka't ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili. Sapagka't kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo'y nangamamatay: kaya't sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo'y sa Panginoon." Dahil ang mga Cristiano ay namumuhay sa isang komunidad, tayo ay magkakasalamuha. Kung mamumuhay lamang tayo para sa ating mga sarili (sariling preperensiya) hindi tayo magkakasundo. Ngunit kung mamumuhay tayo (at mamamatay) sa Panginoon, maiiwasan ang pagtatalo.

"Sapagka't dahil dito ay namatay si Cristo at nabuhay na maguli, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay." Si Cristo ay namatay para sa kalayaang ito. Bakit mo itatanikala ang kapatid sa iyong personal na preperensiya? Siya ang Panginoon ng mga buhay at mga patay at dahil dito dapat tayong mamuhay ayon sa Kaniyang pamantayan at hindi sa ating personal na preperensiya. 

"Datapuwa't ikaw, bakit humahatol ka sa iyong kapatid? at ikaw naman, bakit pinawalaang halaga mo ang iyong kapatid? sapagka't tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios." Ang tunay na hukom sa Bema ay ang Diyos, si Cristo. Sa Kaniya natin ipagkatiwala ang mga isyu patungkol sa mga nonessentials. Siya ang nakakabasa ng mga puso at motibo. Siya ang nakakaunawa ng lakas ng pananampalataya at antas ng maturidad. Huwag nating ilagay sa ating mga kamay ang karapatang magbigay halaga (o magwalang halaga) sa mga kapatid. Namatay si Cristo para sa kapatid na iyan at hindi tayo ang tatayong Hukom sa Bema. 

Kung maaalala lang ito ng mga kapatid, marahil maiiwasan ang mga hindi kailangang pagtatalo. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Isang Pag-aaral sa 2 Corinto 5:17

Panalangin sa Kapatiran