Bilang mga Bible Christians, wala tayo sa Kautusan kundi nasa biyaya at aral ng NT epistles
Efeso 2:20 Na mga itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok.
Juan 1:17 Sapagka't ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay nagsidating sa pamamagitan ni Jesu-cristo.
Roma 6:14 Sapagka't ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagka't wala kayo sa ilalim ng kautusan, kundi sa ilalim ng biyaya.
Juan 17:20 Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita.
Pundamental sa buhay ng isang Bible Christian ay ang pag-unawa sa letra por letrang turo ng Biblia. Ang Kautusan ay binigay para sa bayang Israel dahil sa pagsalangsang, ibinigay ito sa kanila upang ihatid ang mga Israelita KAY CRISTO. Mababasa ninyo iyan sa Galatia 3.
Ang mga Gentil ay walang Kautusan. Sa halip sila ay sumusunod sila sa liwanag ng katotohanan ng creation (Roma 1) at sa liwanag ng kanilang konsensiya (Roma 2). Kung makikinig sila sa kanilang konsensiya, ituturo sila nito kay Cristo, gaya ng nangyari kay Cornelio sa Gawa 11. Kung hindi nila pakikinggan ang "tinig ng Diyos" sa creation o sa konsensiya, hindi obligado ang Diyos na padalhan sila ng mga salitang kapag kanilang sinampalatayahan ay magliligtas sa kanila (Gawa 11:14).
Bakit hindi tayo nasasakop ng Kautusan? Gaya ng sinasabi ng pambungad na mga sitas, ang Kautusan ay dumating sa pamamagitan ni Moises samantalang ang biyaya at katotohanan ay sa pamamagitan ni Jesus. Dalawang magkaibang dispensasyon. Dalawang magkaibang katotohanan. Wala tayo sa ilalim ng Kautusan; tayo ay nasa biyaya. Ang ating saligan ay hindi ang Sinai; ang ating saligan ay ang mga aral ng mga apostol at mga propeta kung saan si Cristo mismo ang batong panulukan. Ang ating sinasampalatayahan ay ang mga aral (sinulat na aral = mga epistula ng Bagong Tipan), hindi ang mga salita, kahatulan at palatuntunang binigay kay Moises (sinulat man ito ng Diyos o ni Moises).
Ang pagpasakop muli sa Kautusan ay, sa lenggwahe ni Pablo sa Galatia 2, muling pagpapatibay ng kaniyang winasak o sa Efeso 2 ay muling pagtatayo ng haligi sa pagitan ng mga tuli at di-tuli. Ang maghanap ng katuwiran sa pamamagitan ng Kautusan ay ang pagkahulog mula sa biyaya (Galatia 5:4). Sa halip na nakatayo sa biyaya ng Diyos (Roma 5:1-2), nakatayo sa sariling katuwiran (Filipos 3:9).
Isang napakahalagang bagay ang malamang tayo ay ganap nang wala sa Kautusan. Tayo ay nasa biyaya. Manindigan tayo sa biyaya.
Bakit hindi tayo pumapatay? Hindi dahil sa Sampung Utos. Ito ay dahil sa ilalim ng biyaya, ang pagpatay ay hindi paglakad sa pag-ibig. Lahat ng hinihingi ng Sampung Utos (maliban sa ikaapat na utos) ay hindi natin ginagawa hindi dahil pinagbabawal ng Kautusan kundi dahil lumalakad tayo sa pag-ibig.
Ang mga imperatibo ng mga epistula sa Bagong Tipan ang "Kautusan ni Cristo" para sa atin. Ang mga imperatibong ito ay resulta ng mga indikatibo ng ating kalagayan. Tayo ay sumusunod (imperatibo) hindi upang maging anak ng Diyos kundi dahil tayo ay mga anak ng Diyos (indikatibo). Hayaan na natin ang Kautusan ni Moises para sa mga Israelita. Daan-daang ngang mga imperatibo sa Bagong Tipan ay hindi natin masunod, dadagdagan pa natin ng mga utos para sa ibang grupo ng mga tao sa ilalim ng ibang dispensasyon?
Ang biyaya ay kumpletong sistema ng kaligtasan, mga aral ng kabanalan at pag-asa (Tito 2:11-13). Hindi nito kailangan ng suplementasyon mula sa Kautusan o anupamang pamantayan ng mga gawa. Sa halip na manghawak sa listahan ng mga bawal at hindi bawal, magpakalalim tayo sa biyaya ng Diyos. Ang daan sa paglago kay Cristo ay ang pagpapalalim sa biyaya.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment