Ang mga Cristiano ay Mga Anak ng Diyos Sa Pamamagitan ng Pananampalataya

 


Galatia 3:26 Sapagka't kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus.27 Sapagka't ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.28 Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka't kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.29 At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.

Isa sa pagtutol ng kausap kong Reformed Adventists ay sa sandaling manampalataya ang isang Gentil, siya ay kaisa ng mga mananampalatayang Judio kay Cristo. Samakatuwid, sila rin ay sakop na rin ng Kautusan. Ang ginamit niyang teksto ay Galatia 3:26-29. This is weird dahil ang kaniyang sinasabi ay kabaligtaran ng sinasabi ng teksto. 

Sa v22-25 tinuro ni Pablong ang Kautusan ay tagapagturo at tagahatid ng mga Judio kay Cristo. Ginamit niya ang panghalip na TAYO upang ipakita ang katotohanang ito. Nang dumating si Cristo ("ang pananampalataya"), wala na sila sa ilalim ng Kautusan ("tagapagturo").

"Sapagka't kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus." Sa v26 may pagbabago ng panghalip. Kung sa nakaraang seksiyon pinakita niya ang nangyari sa mga mananampalatayang Judio ("hinatid sila ng Kautusan kay Cristo") dito ginamit ni Pablo ang panghalip na "KAYONG LAHAT" upang tukuyin ang mga mananampalatayang Gentil na taga-Galatia. Silang nanampalataya kay Cristo ay tinuring na mga anak ng Diyos. 

"Sapagka't ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo." Ang dahilan ay lahat ng nanampalataya kay Cristo ay binautismuhan (o nilublob, nilagak) kay Cristo. Sila ay may bagong identity ("ibinihis si Cristo"). Mayroon na silang bagong identity - dati sila ay nasa kasalanan; ngayon sila ay na kay Cristo. Kagaya ng mga mananampalatayang Judio. 

"Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka't kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus." Dahil ang mga mananampalatayang Judio ay wala na sa Kautusan kundi na kay Cristo, at ang mga mananampalatayang Gentil ay na kay Cristo (nang hindi dumaraan sa Kautusan), wala na silng pagkakaiba. Silang lahat ay IISA kay Cristo. 

"At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako." Kung sila ay kay Cristo, at si Cristo ang binhi ni Abraham, sila ay mga binhi rin ni Abraham (sharing the identity of Christ) at kung ganuon ay mga tagapagmana ng pangako. Sa susunod na kabanata ipakikita ni Pablong ang mga nasa Kautusan ay hindi mga tagapagmana kundi mga alipin. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Isang Pag-aaral sa 2 Corinto 5:17

Panalangin sa Kapatiran