Ang Hindi Magkapareho ay Magkaiba
Galatia 1:6 Ako'y namamangha na kay dali ninyong nagsilipat sa IBANG EVANGELIO buhat sa tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo.
1 Timoteo 1:3 Kung paanong ipinamanhik ko sa iyo na ikaw ay matira sa Efeso, nang pumaparoon ako sa Macedonia, upang maipagbilin mo sa ilang tao na huwag magsipagturo ng IBANG ARAL, 4 Ni huwag makinig sa mga katha at sa mga kasaysayan ng mga lahi na walang katapusan, na pinanggagalingan ng pagtatalo, at hindi ng pagkakatiwalang mula sa Dios na nasa pananampalataya; ay gayon din ang ipinamamanhik ko ngayon.
Ang evangelio ni Cristo ay may pundamental na pagkakaiba sa mga aral at evangelio ng mga relihiyon. Sa kaniyang pinakapundamental na aspeto, ang evangelio ay isang pag-aming walang magagawang anuman ang tao upang iligtas ang kaniyang sarili, upang tumulong na iligtas ang kaniyang sarili o upang manatiling ligtas; sa halip ang TANGING "magagawa" niya ay ang sumampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ito ay biyaya ng Diyos.
Ang evangelio at aral ng relihiyon ay nagsasabing hindi ito sapat. Hindi sapat ang manampalataya kay Cristo lamang. Hindi sapat ang biyaya lamang. Kailangan mo itong dagdagan dahil kung hindi, hindi ka tunay na ligtas o kaya ay mawawala ang iyong kaligtasan. Kailangan ang iyong tulong dahil kahit niligtas ka ni Cristo kung hindi mo maingatan ang kaligtasang ito, ito ay maaaring ma-forfeit.
Ayon sa evangelio ng relihiyon, kailangan mong maging masunurin sa Diyos, kailangang labanan mo ang kasalanan, kailangan mong maglingkod... marami kang kailangan upang maligtas o manatiling ligtas. Kailangan mo ang kanilang relihiyon, kailangan mo ang karunungan ng kanilang relihiyon, kailangan mo ang kanilang mga rito at lihim na kaalaman, kailangan mo ang kautusan, kailangan mo ang maraming bagay- kailangan mo lahat ng mga ito dahil ang gawa ni Cristo ay hindi sapat.
Ang evangelio ni Cristo ay nagsasabing lahat ng kailangan upang maligtas ay ginawa na ni Cristo at ang tanging dapat mong gawin ay tanggapin ang kaloob na ito sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.
Malaki ang pagkakaiba ng dalawa. Maaaring may mga pagkakapareho (after all, ang pinag-aaralan ay parehong Biblia) pero ang pagkakaiba ay ang mga pundamental nating paniniwala sa kaligtasan. Ang mga free grace believers ay nakatayo sa biyaya lamang. Ang mga relihiyonista ay nakatayo sa (biyaya umano) kanilang mga gawa (nahulog sila sa biyaya nang dagdagan nila ito- Roma 11:6; Gal 5:4).
Makikita ito sa mga halimbawang pangungusap:
Kulay puti ang aso.
Hindi kulay puti ang aso.
Maaaring pareho sa 4/5 na salita ang dalawang pangungusap ngunit ang pagkakaiba sa ikalima ("Hindi") ay nangangahulugang ang dalawang pangungusap ay 180 digri na magkaiba. There is no way na mapagkakasundo ang dalawang pangungusap.
Ganuon din pagdating sa evangelio. Hindi mapagkakasundo ang evangelio ni Cristo at ang evangelio ng relihiyon. Nagkakasundo lang ito sa mga isipang inconsistent. Ngunit sa mga consistent mag-isip, ang dalawa ay 180 digring magkabaligtaran. Ang nakatatakot ay hindi ang pagkakapareho kundi ang pagkakaiba. Ang tubig na may 10 porsiyentong lason ay nakamamatay hindi dahil sa 90 porsiyentong tubig kundi sa 10 porsiyentong lasong dinagdag.
Dapat maging mapanuri ang mga Cristiano. Anumang gawa na dinaragdag sa biyaya ng Diyos ay dapat itakwil. Ito man ay tinuro ng mga anghel o mga propeta o mga apostol o kung sinumang ministro. Tawagin man nila itong iba pang tipan ni Cristo, o Kautusan ng Diyos, o mga gawa ng pag-ibig, o kung anupamang masarap pakinggan na pananalita - ang lahat ng ito ay isang pagpahayag na hindi sapat ang biyaya ng Diyos.
Dahil kung sapat ang biyaya ng Diyos, bakit nila ito daragdagan? Dinaragdagan nila ito dahil sa kanilang opinyon, hindi ito sapat.
Pero ang katotohanan ay sapat ang biyaya bilang tindigan ng Cristiano. Ito ay may kaligtasang hindi dapat dagdagan (Tito 2:11), ito ay may sariling sistema ng aral at gawi sa kabanalan (Tito 2:12) at ito ay may sariling pag-asa (Tito 2:13). Ito ay may sariling sistema ng kabutihan (Tito 2:14). Hindi natin kailangang palabnawin ang biyaya sa pamamagitan ng pagdagdag ng Kautusan o ng Relihiyon.
Mga Cristiano, maging mapanuri tayo. Ang magkaiba ay hindi magkapareho. Manindigan tayo sa biyaya. Huwag nating sayangin ang biyayang ito sa paghanap ng katuwiran sa Kautusan (Galatia 2:21).
Maging mapagbantay. Maraming darating na nais baluktutin ang evangelio ni Pablo. Si Pedro mismo ay nagpaalala niyan sa 2 Pedro 3. Maging mahinahon at marahan tayong tila mga kalapati. Ngunit huwag nating kalimutang maging tusong gaya ng ahas. Huwag nating ipagpalit ang biyaya ng Diyos alang - alang sa kabaitan.
Ang sukatan ng tama ay ang Kasulatan, hindi ang kabaitan ng mga kalabang relihiyon.
Mga Cristiano, maging mapanuri. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. Manatiling nakapokus sa biyaya.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment