Ang Diyos lang ang nakakaalam
1 Juan 5:13 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, upang inyong maalaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan, sa makatuwid ay sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Dios.
Sa aming pakikipag-usap sa ating mga katotong Reformed Adventists, sang-ayon sila na si Cristo ay namatay sa krus sa pagbayad ng ating mga kasalanan. Sang-ayon din silang ang pananampalataya kay Cristo ang ground of justification. Samakatuwid ang nanampalataya kay Cristo ay ligtas. Siya ay matuwid.
Ngunit malinaw sa kanilang paniniwalang ang kaligtasang ito, ang katuwirang ito, ay pansamantala at hindi eternal. Ito ay probation na buhay at probation na katuwiran. Ito ay maaaring maiwala kung mabigo kang mamuhay nang may pag-ibig at malabag ang kahit isa sa Sampung Utos.
Bilang halimbawa, kung nanampalataya ka ngayon, at bukas ikaw ay nagnakaw at namatay, ayon sa kanila, ang kasalanang iyon ay magdidiskwalipika sa iyo sa langit sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.
Nang tanungin ko sila kung nanampalataya na. Ang sabi nila ay oo. Tinanong ko kung may buhay na walang hanggan, ang sagot nila ay, "Diyos lang ang nakakaalam." Samakatuwid hindi nila sinampalatayahan ang sinasabi ng teksto. Nananampalataya lang sila in the sense na hindi sila nananampalataya kay Buddha o kay Muhammad o kay Confusius. Hindi sila nanampalatayang ang nanampalataya ay hindi mapapahamak kundi may buhay na walang hanggan.
Totoong ang Diyos lang ang nakakaalam kung sino ang mayroong buhay na walang hanggan. Ngunit ang kaalamang ito ay pinaalam ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng mga apostol. Ang sabi sa 1 Juan 5:13:
13 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, UPANG INYONG MAALAMAN na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan, sa makatuwid ay sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Dios.
Sumulat si Juan sa espisipikong layon na MALAMAN ng mga mananampalataya kay Cristo na sila ay may buhay na walang hanggan. Ang tanging isyu ay kung nanampalataya ka kay Cristo. Hindi sa iyong sarili, hindi sa iyong relihiyon, hindi sa iyong kakayahang sumunod sa sinasabi ng Kautusan, hindi sa mga gawa ng kabutihan. Ang MAYROONG BUHAY NA WALANG HANGGAN ay ang NANANAMPALATAYA sa pangalan ng Anak ng Diyos. Kung wala kang buhay na walang hanggan, hindi ka nanampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos. Kung nanampalataya ka na ngunit hindi mo alam na may buhay ka na walang hanggan, kailangan mong basahin ang evangelio at mga epistula ni Juan upang malaman mong mayroon kang buhay na walang hanggan. Ito ang magbibigay sa iyo ng katiyakan ng buhay na walang hanggan.
Ang buhay na walang hanggan ay walang hanggan. Ang tinanggap natin ay buhay na walang hanggan, hindi buhay na isang araw. Kapag ang Cristiano ay nagkasala, walang dudang siya ay mamamatay pero ang buhay na walang hanggan ay taglay niya. Hindi ito maiwawala. Mamatay man ang kaniyang katawan dahil sa kasalanan, ang kaniyang espiritu ay buhay dahil sa pananampalataya. At ang Diyos ay kayang buhayin muli ang kaniyang katawan sa huling mga araw upang hindi na muli magkasala. Ang kasalanan sa buhay ng Cristiano ay may karampatang parusa (Heb 10:26-27) sa buhay na ito ngunit ang pananampalataya kay Cristo ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan na lalagpas sa buhay na ito.
Mga Cristiano alamin ninyong may buhay kayong walang hanggan. Ito ang ating katiyakan. Manindigan tayo sa katotohanang ito. Higit sa lahat, kumilos tayo at mamuhay tayo, sa liwanag ng katotohanang ito. Ipakita natin sa gawa at salita na tayo ay may buhay na walang hanggan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
.jpeg)

Comments
Post a Comment