Mga Ilaw sa Sanlibutan
Filipos 2:15 Upang kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Dios na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanglibutan,
Nakarinig ako ng sermon na sa pangkalahatan ay maganda. Ito ay nananawagan ng pagiging ilaw ng sanlibutan. Medyo napakamot lang ako ng ulo nang ang pagiging ilaw ng sanlibutan ay in-equate sa mga panlabas na pamantayan ng pagsisimba, pagdadala ng Biblia at pag-attend sa Bible studies. Isa sa mga ginamit na teksto ay Filipos 2:15.
Ang teksto ay nagsimula sa HINA clause, meaning ito ay nagbibigay ng resulta o dahilan. Kapag nakakita ka ng HINA o "Upang" gusto mong malaman kung ano ang kundisyong magreresulta sa anumang sumusunod sa HINA.
Ang sagot ay nasa v14:
Filipos 2:14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang mga bulungbulong at pagtatalo.
Upang maging ilaw sa sanlibutan kailangang matutunan ng mga taga-Filipos na gawin ang mga bagay na sinabi ni Pablo sa 2:12-13 nang walang bulong-bulungan at pagtatalo.
Apparently ang Philippian church ay may pagkakahati at pagkakakampi-kampi. Dalawa sa mga manggagawa ng simbahan (Filipos 4:2) ang may hindi pagkakaunawaan at ito ay nakakaapekto sa simbahan. Kaya sa kabanata Dos, inaralan sila ni Pablo ng pangangailangan ng pagkakaisa ng isipan, puso, akala at inulit muli pagkakaisa ng kaisipan. Sinabihan niya silang ibilang ang iba na mas maigi kaysa sarili. Lumalabas na isa kina Eudioas at Syntiche, o baka pareho pa sila, ang nagmamataas ng kaniyang sarili, dahil dito hindi sila nagkakasundo. Walang gustong mag-give way. Kapag may dalawang orasan sa simbahan, mahirap malaman ang tamang oras. Ganuon din, kapag may dalawang lider na ayaw mag-give way, na itinuturing ang iba na mas mabuti kaysa sarili, ang resulta ay pagkakahati at pagtatalo.
Sa v12-13 sinabi ni Pablong trabahuhin nila ang kanilang kaligtasan mula sa pagtatalolg ito. Ang kanilang ginagawa ay laban sa pamumuhay na ayon sa evangelio (Filipos 1:27) at hindi sumusunod sa halimbawa ng kapakumbabaan ni Cristo (Filipos 2:5-11).
Samakatuwid ang isyu sa Filipos ay hindi ang hindi pagsisimba o pagdadala ng Biblia (o kung anuman ang katumbas nito sa unang simbahang wala pa namang published Bibles); ang isyu ay may pagtatalo sila at hindi namumuhay nang ayon sa evangelio.
Sa v15-16 sinabi ni Pablo na kailangan nilang gawin ito
"Upang kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Dios na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanglibutan, Na nagpapahayag ng salita ng kabuhayan; upang may ipagkapuri ako sa kaarawan ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan."
Kapag nagawa nilang panatilihin ang pagkakaisa ng isipan, puso at pag-aakala, sila ay magiging ilaw sa sanlibutan. Walang salitang bituin sa langit sa pasahe bagama't ang salitang ilaw PHOS ay ginagamit din sa ilaw ng mga bituin (o ng ordinaryong ilawan). Definitely walang salitang universe pero mayroong sanlibutan na naglalarawan ng ating testimonyo sa harap ng mga unbelievers.
Samakatuwid, ang teksto ay hindi nagsasabing kailangan nating magsimba, magdala ng Bibles, maglingkod o anupamang panlabas na gawa (bagama't lahat ng ito ay mabuti). Ito ay nananawagan ng panloob na pagbabago, ng pagkakaisa, sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa kanilang kalooban (at sa kanilang panlabas na gawa). Kung hindi nila pakikinggan ang kilos at gawa ng Diyos sa kanilang buhay, hindi sila magiging ilaw sa sanlibutan.
Ang desired result ay "walang sala" at "walang dungis" sa harap ng masama at likong henerasyon. Hindi ito nagtuturo ng sinless perfection kundi ng mabuting reputasyon. Kapag nakita nila tayo, wala silang masasabi. Hindi nila sasabihing, "Magsisimba sana ako kung hindi lang dahil sa iyo." Maraming natitisod hindi kay Cristo kundi sa gawi ng Kaniyang mga tagasunod.
Huwag magpokus sa panlabas. Magpokus sa panloob na biyaya at ang panlabas ay susunod. Anumang kayang gawin ng unbelievers (magsimba, magdala ng Biblia o maglingkod) ay hindi espirituwal na buhay. Ang espirituwal na buhay ay ang paglago sa loob (pagdebelop ng karakter) na umaapaw sa panlabas na paglilingkod at gawa.
Comments
Post a Comment