Iniibig ang kadiliman



Juan 3:19 At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka't masasama ang kanilang mga gawa.20 Sapagka't ang bawa't isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.21 Datapuwa't ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa Dios.

Sa Juan 3 lumapit ang isang Fariseong nagngangalang Nicodemo kay Cristo para sa isang kapanayam. Sa kanilang pag-uusap, nabanggit ni Jesus na ang sinumang manampalataya ay hindi mapapahamak kundi mayroong buhay na walang hanggan. 

Malinaw sa pahayag ni Cristo na ang tanging hinihingi upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay manampalataya kay Cristo. Hindi ang magpamiyembro sa relihiyon, hindi ang magpabautismo o magkandakuba sa paggawa ng mabuti. 

Malinaw din sa pahayag ni Cristo na ang buhay na walang hanggan ay isang present possession. Kapag nanampalataya ka ngayon, taglay mo na ang buhay na ito ngayon. Hindi bukas, hindi sa susunod na taon, hindi sa kamatayan o sa hinaharap pagkatapos ng isang pinal na paghuhukom. 

Malinaw din sa mensahe ni Cristo na ang buhay na ito ay magpakailan man. Hindi ito mawawala. Ito ang eternal security ng mananampalataya. Ang sinumang manampalataya ay may buhay na hindi mawawala dahil by definition, eternal life is eternal. Hindi ito maiwawala ng dahil sa kasalanan, o dahil sa kawalan ng faithfulness. Ang sin at unfaithfulness ay may konsekwensiya pero hindi kasama ang loss of salvation. 

Bakit may gustong tanggihan ang ganitong pangako?

Ang isang sagot ay nasa Juan 3:19-21. 

"At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka't masasama ang kanilang mga gawa. Sapagka't ang bawa't isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.

Maraming tao ang aking nakausap na nagsasabing hindi sila maaaring maging Cristiano kasi sila ay lasenggero o sabungero. Bagamat hindi ko sinabing kailangan nilang talikuran ang mga kasalanang ito, at ang tanging kundisyon ay ang manampalataya kay Cristo, sila ay convicted ng kanilang kasalanan at sa kanilang palagay ay hindi sila karapatdapat sa biyaya ng Diyos. 

Hindi sila karapatdapat, hindi ako karapatdapat, walang sinumang karapatdapat sa biyaya ng Diyos. Kaya nga ito naging biyaya dahil wala kahit isa sa ating karapatdapat. 

Ito ang dapat magtulak sa ating manampalataya kay Cristo. 

Ngunit may mga taong alipin ng kanilang bisyonna hindi nila matalikuran ito. Mas mahalaga ang kanilang mga gawa kaysa kay Cristo. Gumamit si Jesus ng isang halimbawa, ang mga gumagawa ng masama (kagaya ng magnanakaw o mamamatay-tao) ay ayaw sa liwanag. Makikilala sila at maisusuplong sa kinauukulan. Ganuon din naman ang mga makasalanang mahal ang kanilang bisyo. Hindi sila lalapit kay Cristo. 

"Datapuwa't ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa Dios."

Hinahamon ni Jesus si Nicodemo na lumapit sa ilaw. Samakatuwid, ihayag mo ang iyong intensiyon. Sa halip na patagong lumapit kay Cristo, dapat siyang harapang lumapit at magdesisyon kung si Jesus ba ang Mesiyas o hindi. 

Hindi required ang public profession of faith para maligtas. Hindi iyan ang sinasabi ni Jesus dito. Ang sinasabi Niya ay personal na hamon kay Nicodemo na huwag magtago sa takip ng dilim. 

Hindi ito nagtuturo na ang mga unbelievers ay masasama. Hindi ito nagtuturo na ang mga believers ay laging gumagawa ng mabuti. In fact, nakalulungkot na mas marami pang unbelievers ang gumagawa ng mabuti; ito ay dahil pinagsisikapan nilang maligtas sa mabubuting gawa. On the other hand may mga believers na ginagamit ang security of salvation as a license to sin. Tatanggap sila ng disiplina at mawawalan ng rewards sa Bema. 

Ang kaliwanagan at kadiliman dito ay walang kinalaman sa pagsisimba, sa pagdadala ng Biblia o paglilingkod dahil ang lahat ng ito ay kayang gawin at ginagawa ng mga unbelievers. Ito ay personal na hamon ni Jesus sa mga Judio ng Kaniyang kapanahunan, specifically kay Nicodemo, na magpahayag nang harapan at hindi patago. Ang isyu ay hindi kaligtasan na pananampalataya lamang ang kailangan kundi ang transparency.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Pagtigas ba ng Puso ni Faraon ay Patunay na Siya ay Reprobate at Pupunta sa Impiyerno?

Ano ang ibig sabihin ng Awit 49:7-9?